PAULINES

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 1, 2022 – HUWEBES


Listen Later

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 1, 2022 – HUWEBES

Ika – 22 na LINGGO sa Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Lc 5:1-11

Dinagsa si Hesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Hesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Hesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.

Pagninilay:

Sumagot si Simon, Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat. Handang tumugon si Simon sa kaniyang narinig, sapagkat malakas ang kanyang kutob na may mas malaki pang magaganap. Nasaksihan na niya ang pangangaral, himala at pagpapagaling ni Hesus. Sa dami ng kanilang huling isda ng umagang iyon, ito’y isang kagilagilalas na karanasan para sa kanya. Ramdam na ramdam pa niya…iba talaga ang dating ni Hesus! Mga kapanalig, manatili tayo kay Hesus. Sa mga pagkakataong parang susuko na tayo dahil parang feeling natin hindi tayo naririnig. Magbuntong hininga, at buong pusong idulog kay Hesus ang mga bagay na nagpapabigat sa ating kaluoban. Anyayahan natin si Hesus na sumakay sa bangka ng ating buhay at sumabay sa ating mga gawain. Paanyaya ni Hesus, huwag kang matakot!  Noong nakaraang linggo, pumunta ako sa palengke para ipaayos ang payong ko. Nakilala ko si Mang Julian ang mala Mac Gyver sa libertad. Marunong lang talaga siya mag-repair ng kung anu-ano. Kuwento niya, “Ngayong panahon ng pandemya, natuto ako sa maraming diskarte sa buhay. Pag merong nagpapa- repair sa akin, payong, bag, sapatos, minsan pati gamit sa kusina, ginagawan ko ng paraan sabay na rin nang dasal. Abay, ayos din naman! Nakita ko talaga ang kamay ng Diyos. Hindi naman po ako nazero, wala namang pagkakataon na nabalot ako! Araw-araw may sapat lang, at least nakakakain at healhy naman.” Mga kapatid, bakas sa kanyang mukha ang pananalig na kasama niya ang Diyos sa araw-araw niyang paghahanap –buhay. Simpleng tao…na may simpleng pananalig sa Salita ng Diyos na nagbibigay lakas at gabay sa kaniyang paghahanapbuhay.

Manalangin tayo: Panginoon, nawa’y ang Iyong Salita ang aking magiging gabay at lakas nang magampanan ko ang aking mga tungkulin sa aking pamilya at pamayanan.  AMEN.

-SR. AMELYNE PAGLINAWAN, FSP

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings