PAULINES

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 12, 2022 – LUNES


Listen Later

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 12, 2022 – LUNES

Ika – 24 na LINGGO Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Lk 7: 1-10

Matapos ang pagtuturo ni Hesus sa mga tao, pumasok s’ya sa Capernaum. May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan n’ya ito. Pagkarinig n’ya tungkol kay Hesus, nagpapunta s’ya sa kanya ng mga matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Hesus, taimtim nila s’yang pinakiusapan, “Marapat lamang na pagbigyan mo s’ya. Mahal nga n’ya ang ating bayan at s’ya ang nagpatayo ng aming sinagoga.” Kaya kasama nilang pumunta si Hesus. Nang hindi na s’ya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin, “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa, hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay kaya hindi ko man lamang inakala na nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko, at kung iuutos ko sa isa, ‘umalis ka’, umaalis s’ya. At sa iba naman, ‘halika’, at pumaparito s’ya. At pag sinabi kong, ‘gawin mo ito’ sa aking katulong, ginawa nga n’ya ito.” Humanga si Hesus pagkarinig n’ya nito. Lumingon s’ya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig.” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.

Pagninilay:

Iba rin! Malamang ito ang masasabi natin sa mga bagay na hindi natural o ‘di inaasahan nating makita. Kung ang ekpresyong ito ay naging uso na sa panahon ni Hesus, marahil ito ang kanyang paglalarawan sa kapitang Romano na lumapit sa kanya upang hilingin na gumaling ang kanyang alipin. Bakit nga ba masasabing “iba rin” ang naturang kapitang Romano? Unang-una, hindi lamang basta-basta taong ang kapitan; ang pagiging kapitang Romano niya ay nangangahulugang may taglay siyang kapangyarihan angat sa iba. Ngunit, nakakapagtataka kung bakit iba ang kanyang turing sa kanyang alipin. Hindi niya ito tinuturing na isang bagay lamang na pwede niyang itapon kapag wala na itong silbi sa kanya. Kanyang idinulog kay Kristo na gumaling ang kanyang alipin, imbis na pabayaan lamang mamatay. Dakila ang kababaang-loob at habag ng kapitang Romano. Hindi siya makasarili. Iba siya! Kaya tayo rin ay inaanyaahang maging “iba”, tulad ng kapitang Romano; na sa gitna ng mundong nagpapahalaga sa kapangyariha’t karangyaan ng sarili, mamuhay tayo sa kababaang-loob at pagmamahal sa kapwa.

-Nov. Anjon Fredrick C. Mamunta ng Society of Saint Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings