PAULINES

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 3, 2022 – SABADO


Listen Later

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 3, 2022 – SABADO

Ika – 22 na LINGGO sa Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Lc 6:1-5

Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Hesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Hesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”

Pagninilay:

Sagrado ang Araw ng Pahinga para sa mga Judio.  Dahil ito ang araw na nagpahinga si Yahweh matapos likhain ang sanlibutan.  Itinalaga ang araw na ito upang alalahanin, papurihan, at sambahin si Yahweh.  Alam na alam ng mga Pariseo ang mga hindi dapat gawin sa Araw ng Pahinga.  Pero alam din kaya nila kung ano naman ang talagang dapat gawin sa Araw ng Pahinga?  Sa Mabuting Balitang narinig natin, pinuna ng mga Pariseo ang ginawa ng alagad ni Hesus sa Araw ng Pahinga.  Bilang tugon, binanggit ni Hesus ang ginawa ni David at ng Kanyang mga kawal dahil sa gutom.  Pumasok sila sa templo at kinain ang tinapay na para lamang sa mga saserdote.  Naging isang “exception” sa batas ang kanilang ginawa.  Mga kapanalig, ang Araw ng Pahinga ay itinakda para sa tao; at siyempre, higit sa lahat, para sa Diyos.  Sa ating mga Katolikong Kristiyano, ang araw ng Linggo ang ating Araw ng Pahinga.  Mahalagang araw ito, para makapag-recharge tayo, matapos ang anim na araw ng pagtatrabaho.  Mahalagang araw din ito para makasama at makipag-bonding sa ating pamilya.  At higit sa lahat, napakahalagang araw ito para sama-samang dumalo sa Banal na Misa ang buong mag-anak upang magpuri at magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang tinanggap natin sa buong linggo.  Mahalaga rin na sa Araw ng Pamamahinga, makapaglaan din tayo nang panahon sa personal na pananalangin at pagsusuri ng ating budhi kung paano tayo namuhay sa buong linggo.  Nang sa ganun, lumago tayo sa ating pananampalataya sa Panginoon.  At maituwid din natin ang ating mga pagkakamali sa nag-daang mga araw.  Mga kapanalig, huwag nating balewalain ang Araw ng Pamamahinga dahil mahalaga ito sa ating pisikal at espirituwal na paglago bilang Kristiyanong mananampalataya.  Ganundin, isaisip at isapuso natin, na huwag maging makitid ang pag-obserba natin ng Araw ng Pahinga katulad ng mga Pariseo.  Kundi dapat itong unawain at isabuhay sa diwa ng tunay na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

-SR. LINES SALAZAR, FSP

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings