PAULINES

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 8, 2022 – HUWEBES


Listen Later

MABUTING BALITA l SETYEMBRE 8, 2022 – HUWEBES

Ika – 23 na LINGGO sa Karaniwang Panahon



Ebanghelyo: Mt 1:1-16, 18-23

Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda na ama ni Farez at Zara, si Tamar ang kanilang ina. Si Farez ang ama ni Esrom, at si Esrom ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab. Si Aminadab naman ni Naason. Si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang Ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni Jeroboam na ama ni Abia. At sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias. Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia-si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob naman ang ama ni Jose-ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanyang kasalanan.”  Kaya pagkagising ni Jose ginawa n’ya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap n’ya ang kanyang asawa.

Pagninilay:

Happy Birthday Mama Mary. Isang napakagandang araw ito para sa ating lahat na mga Kristiano dahil ngayon nga ay ating ginugunita ang kapanganakan ng Mahal na Ina ng Diyos at ina rin nating lahat. Isa lamang itong patunay na ang Mahal na ina ay tunay ngang nabuhay sa mundo at tunay na ngang Ina ng Diyos. Naalala ko… nung nag-aral po ako sa kolehiyo isa sa mga naging requirements sa amin ang birth certificate. Nagpapatunay na ako ay nabuhay, at ipinanganak sa Marikina. Isa pa pong mahalagang impormasyon na nakalimbag dito ay ang tungkol sa aking mga magulang. Ako ay lehitibong anak nila. Sila ay pinagtagpo at itinandhana na maging aking mga magulang. Mga kapatid, sa araw na ito ating natuklasan sa ating ebenghelyo hindi po ang birth certificate ng ating Panginoon pero ang dalawang importanteng character sa buhay ng ating Panginoong Hesus. Si Maria na kanyang ina at si San Jose na kanyang naging “foster father”. Parehong may ginampanang papel sina Maria at Jose sa plano ng kaligtasan. Mga kapanalig, ang pagpapahalaga sa papel ni Maria ay pagpapahalaga rin sa papel ng Iglesya sa buhay Kristiyano. Pasalamatan natin ang Diyos sa ating mga magulang na nagpamulat sa atin sa pananampalatayang Kristiyano. Panginoong Hesus, kami’y nagpapasalamat at nagpupuri sa kapanganakan ng Mahal na Ina. Katulad niya, maging saksi rin nawa kami ng Iyong pagpapala, AMEN.

-Fr. Januarius Paglinawan, Marian Missionaries of the Holy Cross

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings