PAULINES

Mabuting Balita | Mayo 11, 2022 - Miyerkules


Listen Later

Mabuting Balita | Mayo 11, 2022

Miyerkules sa Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Juan 12: 44-50

Malakas na sinabi ni Hesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin. Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig ng aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo. May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”

Pagninilay:

Katatapos lang ng eleksiyon at hindi natin alam kung ano ang magiging resulta ng bilangan. Umaasa tayo na magiging maayos ang lahat subalit hindi nawawala ang agam-agam na mayroong dayaan, karahasan at manipulation na nangyayari. Ano nga ba ang magiging kinabukasan ng ating bayan? Sa mundo nating nagkakagulo at nababalot sa kadiliman, umaalingawngaw ang mabuting balita ni Jesukristo: “Ako ang liwanag ng mundo!” Siya ang tunay na liwanag sa dilim upang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi manatili sa kadiliman ng takot at pangamba. Walang katiyakan ang ating bukas kung aasa lang tayo sa sariling kakayahan, o sa sinumang mamumuno sa atin. Subalit kung lalapit tayo sa Panginoon, gaano man kadilim ang ating pananaw, gaano man kapait ng nakalipas, gaano man tayo sinisiil ng pagkabagabag, manalig tayo sa kanyang pangako na sinumang lumapit sa kanya ay hindi niya itatatwa. Gaano man karami ang ating kasalanan, hinding-hindi niya tayo tatalikuran kung hihingi tayo ng kapatawaran. Dahil hindi siya naparito para hatulan tayo kundi para iligtas tayo, ang ating bayan, at ang buong santinakpan. Isa lang ang kanyang hinihiling: na manalig tayo sa kanya, tanggapin ang kanyang salita at isabuhay ito. – Sr. Rose Agtarap, FSP | Daughters of St. Paul

Panalangin:

O dakilang Diyos, hindi naming kailanman mauunawaan ang iyong walang-sawang pagmamahal sa amin. Palakasin mo ang aming loob na lumapit sa iyo, tanggapin ang iyong kalooban, at manalig nang buong puso upang maisakatuparan ang iyong salita. Amen!

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings