PAULINES

Mabuting Balita | Mayo 12, 2022 - Huwebes


Listen Later

Mabuting Balita | Mayo 12, 2022

Huwebes sa Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Juan 13: 16-20

Sinabi ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito. Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga, kapag ito ay nangyari. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”

Pagninilay

Hindi naman biro ang maglingkod sa Diyos. Alam yan ni Hesus. Siya naman ang unang nagpakita kung ano ang paglilingkod. Hinugasan niya ang paa ng kanyang mga apostol. Nagpakababa. Naglingkod. Naging tapat. Ang tunay na lingkod ng Diyos, hindi napapagod. Ang tunay na lingkod ng Diyos, masayahin. Ang tunay na lingkod ng Diyos, matiisin at marunong magpasensya. Ang tunay na lingkod ng Diyos, tapat sa kanyang sarili. Tapat sa kanyang pinaglilingkuran. Bakit hindi napapagod? Bakit masayahin kahit mahirap? Bakit nagpapasensiya kahit kinukutya? Tapat ba talaga siya? Oo. Hindi napapagod kasi, Diyos ang kanyang kalakasan. Oo. Masiyahin kasi, sa paglilingkod niya nararanasan ang tunay at ganap na kagalakan. Oo. Pasensyoso kasi, Diyos ang kanyang tanggulan at matibay na sandigan. Tapat? Sa totoo lamang po minsan marupok ang isang lingkod. Bagamat marupok tayong mga lingkod, huwag nawa sana tayong panghinaan ng loob. Si Judas, mahina ang loob kaya ayun, nagtaksil, nagpakamatay. Diyos nawa ang ating maging kalakasan. Pagpapakumbaba nawa ang ating maging pagsuko. Patuloy na paglilingkod nawa ang ating maging misyon. Kasi nga, "Kung tayo man ay hindi tapat, Ang Diyos ay nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili” (2 Tim 2:13). Amen.

- Cl. Vinz Aurellano, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings