PAULINES

Mabuting Balita | Mayo 17, 2022 - Martes


Listen Later

Mabuting Balita | Mayo 17, 2022

Martes sa Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Juan 14: 27-31

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako, subalit pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba, sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”

Pagninilay:

Maraming takot, pangamba at pagkabalisa ang nakapaligid sa atin araw-araw. May mga mula sa mga nakatatakot na kaganapan, o mga karahasan, o mga sakuna. Magbukas ka lamang ng telebisyon o ng radyo tiyak makakarinig ka ng mga bagay na makapagdadala sa iyo ng pangamba o takot. Paano ka nga naman mapapayapa at kakalma kung ang lahat sa paligid mo ay kaguluhan at problema? Sinabi ng isang guro sa kanyang mag-aaral. “Tila isang mailap na paru-paro ang kapayapaan. Sa pagdapo nito sa kagandahan ng mga bulaklak sa hardin, nais natin na manatili ito ng mas matagal pa. Ngunit minsan, dala ng malakas na hangin ng kaguluhan o kaya ng mga bagay na nakasisira sa bulaklak, lumalayo ang paru-paro.” Nagtanong ang mag-aaral kung paano mapababalik ang paru-paro sa hardin gayong patuloy itong magulo at malakas ang hangin? Sumagot ang guro, “Maglagay ka pa ng mas maraming magandang bulaklak.” Napaisip ang mag-aaral. Napagtanto niya na kahit gaano kalakas ang hangin, huhupa rin ito. Kahit gaano kagulo ang hardin, tutubo rin ang mga itinanim at aayos din ito sa patuloy na pagtatanim at pag-aalaga sa mga itinanim. Ang mahalaga, maganda ang itinanim. Kung kabutihan at pawang magagandang bagay lamang ang patuloy nating ibabahagi sa isang mundong siksik ng kaguluhan, darating ang panahon na huhupa din ang hangin, tatahimik ang alon, liliwanag din ang bayang malaon nang nasasadlak sa dilim, magbabalik ang kapayapaan. Oo hindi ito madali, ngunit sa bawat pagtatanim ng magandang bagay, ng kabutihan, ng katotohanan, darating ang isang umaga na magbibigay panibagong simula upang manahang muli ang kapayapaan at kapanatagan sa tahanan ng mga Anak ng Diyos. Ito ang iniiwan sa atin, kapayapaan. Isang kapayapaang nagmumula sa mismong ugat ng kabutihan at bukal ng kagandahan ng sang nilikha, ang Prinsipe ng Kapayapaan, si Hesus. Amen.

- Cl. Buen Andrew Cruz, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings