PAULINES

Mabuting Balita | Mayo 18, 2022 - Miyerkules


Listen Later

Mabuting Balita | Mayo 18, 2022

Miyerkules sa Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay


Ebanghelyo: Juan 15: 1-8

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa wikang binigkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

Pagninilay:

Kasama ka ba sa mga naging plantito o plantita sa panahon ng lockdown dahil sa pandemia? Naranasan natin na hindi sapat ang pagdidilig lang ng halaman para ito lumago at mamunga. Kailangan din ng pangangalaga at paglilinis nito. Kaya’t mas nauunawaan siguro natin ngayon ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo natin ngayon. “Ako ang puna ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang Ama ang tagapag-alaga at inaalis niya ang mga sanga na hindi nagbubunga. Yung nagbubunga naman ay nililinis niya. Na-imagine nyo bang ang Diyos Ama na plantito at si Hesus ang puno, tapos ikaw ang sanga. Siyempre kapag hindi ka naka-ugnay sa puno, matutuyo ka at mamamatay. Maihahalintulad din natin ito sa panahon natin sa pagiging connected. Hindi ba, kapag mahina ang signal o nag-fluctuate and wifi connection marami sa atin ang nababalisa at nagpapanic? Pakiramdam natin ay wala na tayong magagawa dahil hindi tayo connected. Yun mismo ang sinasabi ni Hesus: “Wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin.” Hindi tayo magbubunga kundi matutuyo at mamamatay. Pero kung naka-connect tayo sa kanya at sinusunod natin ang teachings niya, kahit ano daw ang hingin sa kanya ay ibibigay niya. Promise niya yan! Bakit? Kasi gusto niyang maging mabunga tayo dahil mahal niya tayo. At ito ang magbibigay sa atin ng tunay na kasiyahan.

O, paano kapanalig? Gusto mo bang sumaya? Connect na kay Hesus!

- Sr. Rose Agtarap, fsp | Daughters of St. Paul

Panalangin:

Panginoon, lumalim nawa ang connection naming sa iyo sa panalangin at sa pagninilay sa iyong mga salita araw-araw, at pagsasabuhay nito. Amen!

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings