PAULINES

MABUTING BALITA | MAYO 30, 2021 - Linggo


Listen Later

MABUTING BALITA | MAYO 30, 2021 - Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo

Umibig ka na ba ng wagas?

EBANGHELYO: MATEO 28:16-20

Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Hesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Hesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”

PAGNINILAY:

Ikaw ba ay umiibig? Hindi ba napakasarap ng pakiramdam na ikaw ay umiibig at ikaw ay iniibig? Isang makabuluhang Linggo ng Pag-ibig!  O bakit parang nagulat kayo mga kapanalig?! Maaaring sabihin ninyo, “Di ba tuwing ika-14 ng Pebrero ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day?” Tama ka! Ngunit ngayong Linggong ng Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo, ipinagdiriwang natin ang pinagmumulan, ang tugatog at kaganapan ng mga pag-ibig natin bilang mga nilalang ng Diyos. Umusbong ang Kristiyanismo mula sa paniniwala ng mga Israelita na may iisang Diyos lamang na dapat mahalin at sambahin. Para naman sa ating mga Kristiyano, hindi lamang natin nakikita ang Diyos bilang isa, kundi bilang kumikilos at nakikipag-ugnayan sa atin.  Nilikha ng Ama ng daigdig at patuloy na ginagabayan ito. Nagkatawang-tao ang Anak na si Hesus at namatay sa krus para sa kaligtasan ng sanlibutan. Sumasaatin naman ang mga mananampalataya ang Banal na Espiritu ng Ama at Anak, “ang Panginoon at Tagapagbigay ng Buhay”. Iisa lamang ang Diyos ngunit ang Diyos ay isang pamayanan ng umiibig. Datapwat iba’t iba at may kanya-kanya pagkapersona ang Banal na Santatlo, binubuklod ang Santatlo ng pag-ibig sa iisang kalikasan— ang kanilang pagka-Diyos. At dahil ganap ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa, dahil wala nang hahanapin pa, ang kalooban ng Ama ay kalooban ng Anak at ng Banal na Espiritu, ang kalooban ng Anak ay batid ng Ama at ng Espiritu Santo. Hindi ba ganyan ang tunay at wagas na pag-ibig? Magkakaiba, ngunit may paggalang sa pagkakaiba-iba, hangad lamang ang kabutihan ng minamahal. Mga kapanalig, sa pamamagitan lamang ng wagas na pag-ibig ng Diyos, lalago o lalalim ang ating pag-ibig sa isa’t isa. Kung wala ang Diyos, madaling mapagod, magsawa, mapanimbang, tayo sa ating ugnayan sa isa’t isa. Halina’t iugnay at makiisa sa dakilang pag-ibig ng Santatlo at hindi-hindi tayo mabibigo.

- Fr. Angelo Paolo Asprer, ssp (Society of St. Paul)


...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings