PAULINES

MABUTING BALITA | NOBYEMBRE 28, 2021 | Linggo


Listen Later

MABUTING BALITA  | NOBYEMBRE 28, 2021 

Unang Linggo ng Adbiyento (K)



EBANGHELYO: LUCAS 21:25-28, 34-36

Sinabi ni HESUS sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan. Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya’t lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

PAGNINILAY:

Ikaw ba ay laging handa? Mahalaga ang kahandaan sa buhay, lalo na at may mga sitwasyong dumarating nang biglaan o hindi inaasahan. Mas mabuting maghanda nang maaga kaysa magulat at mataranta tayo kapag nasa harap na natin ang isang bagay o pangyayari. Ngayong panahon ng Adbiyento, muli tayong inaanyayahan na pagnilayan ang tema ng pagdating ng Panginoong Hesus. Siya ay dumating na noong siya’y nagkatawang-tao at nakipamuhay sa atin, at tiyak na babalik muli sa ikalawang pagkakataon na Diyos Ama lamang ang nakababatid ng panahon at oras. Para sa ating mga Kristiyano, ang pagdating ng Panginoong Hesus ay inaasam, hinihintay… Pero ito’y may kalakip na paghahanda at pag-asa. Mistulang nakakatakot ang mga palatandaan ng pagbabalik ng Panginoon sa Mabuting Balita sa araw na ito mula kay San Lucas, pero kung ating susuriin at babasahin na may pananalig sa Diyos, mababatid na ito’y nagbibigay pag-asa at kapanatagan sa puso. Ang mga pagbasa tungkol sa pagdating ng Panginoong Hesus ay hindi naghahangad na tayo ay takutin, kundi upang palakasin pa nga ang ating loob. Hinihikayat tayong gugulin ang buhay natin sa lupa nang tama at wasto nang sa gayon ay makatindig tayo ng tuwid at harapin ang Panginoon sa kanyang pagdating. May responsibilidad tayo sa buhay na ipinagkaloob sa atin: Huwag nating sayangin ang hiram na panahon sa daigdig. Bagkus, tulad ng sinabi sa Mabuting Balita: maghanda, manalangin, dahil nalalapit na ang pagtubos sa atin ng Diyos.

- Fr. Khris Emmanuel Llacer, SSP | Society of St. Paul

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings