PAULINES

MABUTING BALITA | OKTUBRE 4, 2021


Listen Later

MABUTING BALITA | OKTUBRE 4, 2021

Lunes sa Ika – 27 Linggo sa Karaniwang Panahon | San Francisco de Asis, relihiyoso



EBANGHELYO: LUCAS 10:25-37

May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Jesus. “Guro, ano ang aking gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa kanyang sariling hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbabalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin mo.”

PAGNINILAY:

Sino ang ating kapitbahay? Ang kuwento ng mabuting Samaritano ay nagtuturo sa atin na ang ating kapitbahay ay ang sinumang nangangailangan ng ating tulong. Hindi kailangan ang boundary; kahit saan, kahit sino na kayang abutin ng pagdamay natin ay kapitbahay kung tawagin.  Ang tanong ko? Anong klaseng kapitbahay naman ako? Una: Mahabagin o Compassionate – mahabagin dahil nararamdaman ko rin ang sakit na nararamdaman ng aking kapwa, at nais ko silang tulungang makalabas sa sitwasyong ito.  Ikalawa: Mapagbigay o Generous- tunay akong mapagbigay kung kaya kong ibigay ang kahit anong mayroon ako, kahit ito ay kailangang-kailangan ko din. Mas importanteng matugunan ko ang pangangailangan ng iba, kaysa sa pangangailangan ko.  Ikatlo: Nagbibigay kahit hindi hinihingian at hindi naghihintay ng kapalit o Gratuituous- parang isang ama o ina na laging masaya at taos-pusong nagbibigay sa anak nang walang hinihintay na kapalit. Mga kapanalig, nakita ko ito sa kuwento ng mabuting Samaritano: nahabag, nagbigay ng panahon at pera at higit sa lahat hindi naghintay ng kapalit.  Sana ganito tayong lahat. Sana all ng nagsasabing sumusunod siya kay Kristo ay ganito tumulong sa kapwa!

PANALANGIN: Mapagmahal naming Ama, sa patuloy na paglaganap ng pandemya sa buong daigdig imulat mo ang aming kamalayan. Maging bukas nawa ang aming mga puso at tahanan upang maging kaisa kami ng aming mga kapatid na apektado ng kalamidad, maging bukas-palad kami sa pagtulong ayon sa aming kakayanan at sa bawat pagtulong huwag kaming maghintay ng kapalit na kabutihan. Maging simbolo nawa ng pag-asa at pagtitiwala ang aming pakikilakbay sa kanila. Ang lahat sa mundong ito ay may katapusan, nawa ang pandemyang Covid-19 ay magwakas na. Amen

Sr. Narci Peñaredonda, SJBP | Sisters of Jesus Good Shepherd/Pastorelle

...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings