PAULINES

MABUTING BALITA | SETYEMBRE 16, 2021


Listen Later

MABUTING BALITA | SETYEMBRE 16, 2021

Huwebes sa ika -24 na Linggo sa Karaniwang Panahon


EBANGHELYO: LUCAS 7:36-50

Inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya kaya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nito na si Hesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Hesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Hesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong kumumbida, naisip nito: “Kung Propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya—isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Hesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Guro, magsalita ka.” “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad, kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” “Tama ang hatol mo.” At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang ng kaunti ang pinatatawad ng kaunti.” At sinabi naman ni Hesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag, “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan.” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”

PAGNINILAY:

Sa ating Mabuting Balita ngayon, pinaaalalahanan tayo ng Diyos na ang Kanyang habag at awa ay walang hanggan sa taong tunay na nagsisisi. Mas malaki ang pagpapatawad ng Diyos kaysa sa ating mga kasalanan. Ipinakita ang lubos na pagsisisi ng babae, sa pamamagitan ng pagbuhos niya ng mamahaling pabango. Mga kapanalig, ang tunay na pagsisisi ay hindi lamang sa salita, kundi higit, may kalakip itong mabubuting gawa bilang “bayad puri” sa ating mga kasalanan. Lumapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal kung may pagkakataon. Ang Diyos ay handang magpatawad sa taong nagsisisi sa lahat ng oras. Mga kapanalig, kung pinatatawad tayo ng Diyos ng ganito, patawarin din natin ang isa”t isa, at ang ating mga sarili.

– Sr. VG Gungon, SJBP | Sisters of Jesus the Good Shepherd/Pastorelle Sisters

PANALANGIN:

Panginoon tulungan mo po kaming aminin ang aming mga pagkakasala at manumbalik sa Inyo, dahil batid po namin na buong Puso mo kaming tatanggapin muli. Amen.



...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings