PAULINES

MABUTING BALITA | SETYEMBRE 8, 2021


Listen Later

MABUTING BALITA | SETYEMBRE 8, 2021

Miyerkules sa ika -23 na Linggo sa Karaniwang Panahon


EBANGHELYO: MATEO 1:1-16, 18-23

Ito ang libro ng pinagmulan ni Hesukristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda na ama ni Farez at Zara, si Tamar ang kanilang ina. Si Farez ang ama ni Esrom, at si Esrom ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab. Si Aminadab naman ni Naason. Si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang Ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni Jeroboam na ama ni Abia. At sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias. Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia-si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob naman ang ama ni Jose-ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Hesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Hesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanyang kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose ginawa n’ya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap n’ya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY:

Masyado na pong maingay ang mundo. Lahat ay nagnanais na mapakinggan. Nakakarindi, maingay! Kailan tayo tumigil sumandali at nanahimik? Sa Mabuting Balita, nais nang hiwalayan ni Jose si Maria hindi upang “mag-hugas kamay” kundi para rin hindi na malagay si Maria sa mas matinding kahihiyan. Nagbago ang lahat noong magpakita ang Anghel kay San Jose sa panaginip. Siya’y nanatili at naging ama ni Hesus, ang amang magdurugtong kay Hesus sa angkan ni David. Sa dalawang balita: una—na nabuntis na si Maria at hindi alam kung sino ang Ama. Ikalawa, na Diyos ang may-akda ng lahat sa pamamagitan ng Espiritu Santo, eh talaga namang mahirap pumili ng paniniwalaan. Sa kabila ng lahat, sumampalataya si San Jose sa Diyos. Hindi dahil ayaw na niya ng gulo kundi alam niya ang paggalaw ng Diyos sa kanyang buhay! Bagamat tahimik, hindi siya bingi sa mga nais ng Diyos. Mga kapanalig, ipinagdiriwang din po natin ang kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Si Maria at Jose, na kapwa modelo ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi naman sinasabi ng Diyos na kapag sumunod ka sa kanya, eh magiging madali ang lahat. Pero ipinangako niyang siya ang Emmanuel—kasama natin siya palagi. Sundan lamang natin sina Jose at Maria sa kanilang tatlong M: Manahimik, Makinig, Manalig!

- Cl. Vinz Aurellano, SSP | Society of St. Paul


...more
View all episodesView all episodes
Download on the App Store

PAULINESBy Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai Province

  • 5
  • 5
  • 5
  • 5
  • 5

5

1 ratings