MABUTING BALITA | HULYO 8, 2021
Huwebes sa Ika -14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
EBANGHELYO: MATEO 10:7-15
Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit’. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”
Sampung taong gulang pa lang ako nang ako’y tinawag ng Panginoon sa gawaing paglilingkod sa simbahan. Nag-umpisa ako bilang sacristan; at nung magbinata na ako, naging kasapi ako ng maraming organisasyon at movements katulad ng Catholic Charismatic Renewal, Biblical at Prison Apostolate, Association of Pauline Cooperators, Basic Ecclesial Community at marami pang iba. Hindi ko lubos maisip na maisabak sa mga gawaing ito, dahil ako po ay mahiyain at tahimik lamang. Marunong ang Diyos, dahil sa kahinaan ko pala niya ako gagamitin para maglingkod sa Kanya. Taong 2003, nang ako’y mag-asawa, sa edad na apatnapu’t dalawa (42), sa isang dalaga na si Julie, na tatlumpung (30) taon ang edad noong kami’y ikinasal. Biniyayaan kami ng tatlong anak na sina Paul, Peter at Luisa Pauleen. Lahat sila ngayon ay aktibo ding naglilingkod sa simbahan. Ang pagkakaroon ng pamilya na may tatlong anak ay panibagong misyon ng pagiging alagad ko sa Diyos. Masaya at hindi madali, pero sa awa, tulong at gabay ng Diyos, naisasabuhay at naaakay ko sila na mapalapit sa ating Panginoon. Salamat sa Diyos sa patnubay, sa paggabay at pag-akay sa pamilya ko para gawin ang plano ng Diyos para sa kanyang kapurihan at kaluwalhatian. Hayaan nyo pong tapusin ko ang aking pagninilay sa isang AKRONIM
A-Alalahanin Kanyang sakripisyo at pagmamahal
L-Laging Diyos ang Unahin
A-Alagaan ang pamilya, lalo na ngayong Pandemya
G- Gawin ang nararapat, sundin lagi ang utos niya
A- Alamin Kanyang kagustuhan
D-Dasal at Diyos ang ating Sandigan
Robert Lauigan, Association of Pauline Cooperators- Tuguegarao