Pumunta si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Hesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Ngayong ipinagdiriwang natin ang Taon ni San Jose, napakagandang pagnilayan ang kanyang mga katangian kung ba’t napili siya ng Diyos Ama na maging foster father ng Kanyang Anak na si Hesus. Bagama’t wala ni isang salita na nasusulat sa Biblia si San Jose, ang kanyang pagiging tahimik na manggagawa na nagpapasakop sa kalooban ng Diyos ang isa sa pinakatampok niyang katangian. Nangugusap sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng panaginip, kaya ang kanyang tugon sa ipinag-uutos ng Diyos ay agarang pagtalima. Masunurin si San Jose sa ipinapagawa sa kanya ng Diyos, kaya nagampanan niya nang buong pagtatalaga, katapatan, at pagmamahal ang pagiging ama ng Banal na Mag-anak ni Hesus at Maria. Ayon sa apostolikong liham ni Papa Francisco, na Patris Corde o “With a Father’s Heart,” minahal ni San Jose si Hesus na parang kanya, taglay ang puso ng isang Ama. Kaya sa paggunita ng 150 years ng pagkahirang sa kanya/ ni Blessed Pius IX bilang tagapangalaga ng Inang Simbahan, deneklara ni Pope Francis na Year of St. Joseph simula December 8, 2020 hanggang December 8, 2021. Aniya, ngayong panahon ng pandemya, kung saan nakararanas tayo ng matinding krisis, ang buhay natin ay parang pinagsama-sama at itinataguyod ng mga karaniwang tao, na kalimitang hindi natin napapansin – katulad ng mga medical at non medical fronliners – na nagtataya ng buhay araw-araw sa gitna na panganib, upang magbigay buhay sa kapwa. Katulad ni San Jose – tahimik nilang ginagampanan ang trabaho sa kabila ng panganib, sila’y mahinahon hindi man namamalayan ang kanilang presensya araw-araw, pero may mahalagang papel silang ginagampanan sa kasaysayan ng pagliligtas. Kaya nararapat lamang na kilalanin natin sila at pasalamatan. Kasama ng Mahal na Birheng Maria, si San Jose ang tagapamagitan natin sa Diyos, suporta at gabay sa panahong ito ng kapighatiang dulot ng pandemya. Si San Jose ay isang taong matuwid, at malakas ang tiwala sa Diyos. Sinasabing kasunod ni Maria, si San Jose ang pinaka-mataas, pinakabanal at pinaka-mabait na santo. Si San Jose ang patron ng Simbahang Katolika, ang patron ng mga manggawa, at patron ng mapayapa at masayang kamatayan… Tinagurian din siyang Saint of Divine Providence. Mga kapanalig, ngayong ipinagdiriwang natin ang Labor Day, ma-realize nawa natin that we don’t have to do great things in order to be great, greatness can be found in ordinariness. Hilingin natin sa Diyos sa tulong-panalangin ni San Jose, na mapahalagahan nawa natin, at ipagpasalamat sa Diyos anumang trabaho meron tayo, gaano man ito kaliit o kahamak sa mata ng tao. Dahil ang pinakamahalaga ay ang pagtupad sa kalooban ng Diyos sa anumang gampaning meron tayo na ginagawa natin nang may pagmamahal. O San Jose, Manggagawa, ipanalangin mo kami. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp (Daughters of St. Paul)