Lumapit sa kanya ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Noong panahon ni Hesus, ang ketong ay isa sa mga sakit na walang lunas at nakahahawa. Ang mga pari noon sa templo ang siyang may kapangyarihang magpatunay na ang isang tao nga ay merong ketong o wala. Kung mapatunayan, itinuturing siyang marumi, ilalayo sa komunidad at ituturing makasalanan. Hindi siya pwedeng makihabilo sa ibang tao. At sinuman ang lumapit at humawak sa kanila ay ituturing ding marumi, pangdidirihan at itatakwil ng lipunan. Ang mga may ketong noon ay itinuturing mga buhay na patay, nabubuhay pero mukha ng bangkay. Kaya ganoon na lamang ang masidhing pagnanais ng may ketong na gumaling. “Kung ibig po ninyo, Panginoon, mapagagaling ninyo ako. If you wish, you can make me clean.” Ang ginawang pagpapagaling ni Hesus sa may ketong ay katumbas na rin ng muling pagkabuhay ng isang patay. Nanumbalik ang kanyang dignidad at estado bilang isang tao at mamamayan, at maaari na siyang mamuhay muli ng normal at makihalobilo kasama ang kanyang komunidad. Mga kapanalig, ngayong panahon ng pandemya siguradong palagi tayong pinapaalalahanang maging malinis sa ating pangangatawan. Araw-araw, minu-minuto sinasabihan tayong maghugas ng kamay o maligo upang mapanatili ang kalinisan. Ngunit sinasabi sa atin ngayon na may mas dapat pa tayong linisin sa buhay, at iyon ay walang iba kundi ang ating kalooban. Aminin man natin o hindi, may kanya-kanya tayong karumihan at baho sa buhay, at madalas hindi natin ito napapansin. At kung susuriin mabuti ang ating mga sarili, makikitang tulad din tayo ng isang taong may ketong o baka mas marumi at mas nakapandidiri pa tayo kaysa sa kanila. Kung hahayaan nating kumalat ang dumi at baho sa ating buhay, hindi natin ito namamalayan pero nababahiran na rin pala pati ang ating pagtingin, pakikitungo at pagmamahal sa kapwa. Kung hindi maaagapan, magiging marumi ang ating pagtingin sa kapwa. Magiging puro kahalayan ang patingin sa kapwa. Magiging marahas tayo sa iba. Magiging sakim at puro kasinungalingan ang mamumutawi sa ating mga bibig. Mga kapanalig, tulad ng isang may ketong, hilingin natin kay Hesus na nawa maging malinis ang ating kalooban. Nawa ating sambitin araw-araw ang dasal ng isang may ketong upang manumbalik ang dating dalisay na pakikitungo, pagtingin at pagmamahal natin sa ating kapwa.