Sa Mabuting Balita ngayon, tumapak si Jesus sa teritoryo ng mga pagano sa unang pagkakataon. Para sa mga Judio, kilala ang mga pagano bilang mga taong hindi nakakikilala sa tunay na Diyos. Sumasamba sila sa mga diyus-diyosan. Sa mundo natin ngayon, marami ang nasa ganitong estado ng pamumuhay – hindi nakakikilala sa tunay na Diyos. Kung kaya’t napadadala sila sa iba’t ibang klase ng diyus-diyosan – katulad ng kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at iba pang mga makamundong pinahahalagahan. At gagawin nila ang lahat para makamtan ang mga ito, kahit sa maling pamamaraan. Mga kapanalig, ang kundisyon ng lalaking inaalihan ng demonyo sa narinig nating Mabuting Balita ay maituturing na simbolikong paglalarawan ng uri ng buhay, na hiwalay sa Diyos. Isang uri ng buhay na taliwas sa kalooban ng tunay na Diyos. Buhay na pinaghaharian ng maraming idolo o diyus-diyosan. Ngayon, suriin mo ang iyong sarili, ano bang diyus-diyosan ang naghahari sa buhay mo? Anumang bagay, gawain o pinagkakaabalahan, libangan at bisyo na umuubos sa ating oras, ay maaaring tawaging diyus-diyosan, lalo na kung inilalayo tayo nito sa pagdarasal, at sa tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa ating pamilya at kapwa at sa ating sarili. Halimbawa ang pagbababad sa ating mga gadgets. Ilang oras ba ang nauubos natin sa isang araw para mag-access ng facebook, Youtube, Netflix, computer games at iba pang katulad nito? Kapansin-pansin, na kahit magkakasama sa bahay ang pamilya lalo na ngayong lockdown at may pandemya, pero, hindi naman nag-uusap ang bawat miyembro, dahil busy sila sa kani-kanilang mga gadgets. May kanya-kanya silang mundo! Malaking hamon ito sa atin, lalo na sa mga kabataan na maging maingat, matalino at responsable sa mga ina-access nating sites. Siguraduhing makakatulong sa’ting paglago/ bilang mabubuting tao at Kristyano ang pina-follow nating palabas sa iba’t ibang social media platforms, dahil maaring gamitin ng demonyo ang ating mga gadgets para aliwin tayo sa masasama at malalaswang panoorin at babasahin na talamak sa internet. At kapag naging bisyo na ang panonood ng malalaswa, ito ang nag-uudyok sa tao para magkasala sa kanyang sarili o sa iba. Maari ding maging diyus-diyosan ang sobrang pagpapahalaga sa sarili, gumugugol ng katakot-takot na pera sa pagpapaganda, pagparetoke ng mukha at katawan para manatiling fit at young-looking. Ilang oras ba ang nilalaan mo para sa gawaing ito? Maari ding maging diyus-diyosan ang mga bisyo na kinahuhumalingan natin, lalo na ang pagkalulong sa alak, sugal, sigarilyo, droga at pagtataksil sa asawa dahil nagiging dahilan ang mga ito para sirain ang ating sarili, ang ating relasyon sa pamilya at sa kapwa at marami pang ibang diyus-diyosan na naglalayo sa’tin sa Diyos. Ang tanong, paano natin malalaman kung pinaghaharian tayo ng diyus-diyosan? Narito ang ilang senyales: Kung wala nang direksyon ang ating buhay at feeling natin wala nang saysay mabuhay, kaya pagpapatiwakal na ang naiisip na solusyon para takasan ang ganitong sitwasyon.
Kung puro negatibo ang nakikita natin sa’ting paligid, kaya sa halip na magpasalamat sa Diyos at sa mga taong tumutulong sa’tin, puro reklamo, paninira at paninisi ang lumalabas sa’ting bibig, kung tuliro ang ating puso’t isipan at hirap tayong mag-pokus, at kung pahirap na tayo buhay ng ibang tao. Maaring sabihin ng iba, na may mental health issue o depress lang ang taong nasa ganitong estado. Pero bago pa tayo umabot sa ganitong sitwasyon, anong diyus-diyosan ba ang umalipin sa’tin at naglayo sa’tin sa tunay na Diyos.
Panginoon, palayain Mo po ako sa anumang diyus-diyosang umaalipin sa akin ngayon. Patawad po, sa maraming oras na sinayang ko, sa mga diyus-diyosang kinagigiliwan ko. Linisin Mo po ako sa masasamang gawain at pinahahalagahan na labag Sa’yong mahal na kalooban. Amen.