Siguro ganito ang pakiramdam ng mga nakarating sa buwan
Yung pakiramdam na nakikita mong unti unting lumalayo ang dating mundong iyong ginagalawan
Na ang dating abot kamay, ngayo’y tanaw na lamang
Na habang papalapit ka sa langit, na siyang mamayang sasaklawin ng kalawakan ay ang siyang paglayo mo sa mga nakasanayan
Sa nakasanayan mong mahigpit na yakap mula sa kanya tuwing umaga
Sa sabay niyong paguwi pagkatapos ng trabaho
At sa pagtanong niya ng “kamusta ka?” tuwing uuwi ka sa kanya, galing sa lakad mo
nandun siya.
nandun siya sa pagmulat mo ng mata
sa pag gising sa umaga
sa kwentuhan tuwing almusal
na may kasamang kape, kanin at longganisa
nandun siya sa merienda
kasabay ng pancit canton, netflix at iba pang pelikula
hanggang sa paghilata sa kama
nandun siya
at marahil hanggang dun nalang din siya
hanggang dun nalang siya sa mga alaala
na patuloy mong bibitbitin kahit saan kaman magpunta
isusuot mo itong parang kwintas, isang medalya na hindi gawa sa ginto o pilak kundi gawa sa mga salitang hindi mo kailanman nabigkas...
mga salitang “naniniwala ako sa tayo”
dahil ito ang mga salitang umasa na baka isang araw may pag asang maniwala rin siya
maniwala sa “kayo” sa “tayo” sa “atin”
pero hindi mo kayang bigkasin ang mga talata
dahil sa pangamba na makita ang mga takot sa kanyang mga mata na maghuhudyat na “hindi ko kaya”
kung kayat pinili mo nalang manahimik at itikom ang bibig
dahil naniniwala ka na wala sa mabulaklak na salita ang pagmamahal kundi ito’y nasa gawa
pinatuloy mo na lang na ipadama sa kanya ang pagmamahal na nararapat
yung totoo, tunay, at tapat.
At ito ang mga alaala na patuloy mong binibitbit at sinusot sa iyong dibdib
na kahit ano mang bigat na tila ba bagahe
ay pilit mo siyang dadalhin, maisakay mo lamang sa susunod mong lakbayin.
Ngunit bakit?
Kung mabigat siyang dalahin, bakit ka parin nakakapit?
Dahil paano mo maiiwanan ang bagahe na naglalaman ng katunayan na kaya mong magmahal ng wagas at higit.
na minsan sa pag-ibig naging sigurado ka
at patuloy mong nilaban ang digmaan kahit alam mong matatalo ka
Pero sabi nga nila, walang talo sa taong tunay na nagmamahal
Kaya sabihin mo sa akin paano? paano mo bibitawan ang mga imahe na nagpapakita kung gaano kaganda ang pagmamahal?
na kahit hindi man ito nauwi sa simbahan, ay sa kanya natagpuan mo ang iyong tahanan?
At ito na nga, katulad ng mga taong nakarating sa buwan
ay napagmasdan mong lamunin ng kalawakan ang kalangitan
at unti unti mo ng naramdaman ang paglutang sa kawalan
kasabay ang pagpatak ng mga luha na unan mo lamang ang nakakakita at nakakadama
dahil ngayon, ang layo na ng mundo
hindi, dahil ngayon, kay layo na ng kanyang mundo
at tanging itong bagahe lamang ang dala mo
na mistulang pinto papunta sa dating mundo niyo
kaya’t patuloy mo tong bibisitahin
at mula sa malayo siya’y tatanawin
dahil kahit wala ka man sa kanyang tabi
ay dito mula sa buwan
ikay mananatili