Share Think About It by Ted Failon
Share to email
Share to Facebook
Share to X
By 105.9 True FM
The podcast currently has 179 episodes available.
#TedFailonandDJChacha sa 105.9 True FM at True TV Channel 19!
Umuugong ang usap-usapan tungkol sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa hindi maipaliwanag na paggasta ng confidential funds ng tanggapan ng bise presidente at ng DepEd sa panahon ng panunungkulan niya bilang kalihim ng ahensya.
Ang impeachment ay isang paraan ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal ng bayan. Isa itong constitutional duty ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, iisa pa lamang ang impeachment process na natapos at nauwi sa conviction at pagkakatanggal sa pwesto ng isang dating Chief Justice ng bansa.
Kung susuriin ang reyalidad na kasalukuyang nangyayari sa ating bayan at politika na umiiral sa dalawang kapulungan ng Kongreso, maging ang namamayaning klima ng ating halalan sa ngayon, maaari nga bang maalis sa pwesto si VP Sara sa pamamagitan ng impeachment process?
Taglay nga ba ng mga miyembro ng dalawang kapulungan ng ating Kongreso ang diwa at prinsipyo ng Konstitusyon para mapanagot ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na nagkasala sa ating bayan? Think about it.
Kahirapan at mataas na antas ng korapsyon–ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nanguna ang Pilipinas sa pinakabagong World Risk Index o listahan ng mga bansang mas matindi ang nararanasang epekto sa pagtama ng mga sakuna. Naaabuso ang salitang "resilient" na katangian ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad kaya kapag natapos na ang bagyo at nakapamudmod na ng relief goods ang pamahalaan at ang mga politiko, tuloy lang ulit ang buhay ng mga biktima. Magkaroon man ng imbestigasyon sa sanhi ng kalamidad at pagbaha, wala namang napapanagot na mga tao na nagkulang sa pagpapatupad ng flood control projects ng gobyerno. Higit sa mga natural na sakuna na hinaharap ng Pilipinas taun-taon ay ang hindi matapos-tapos na kalamidad na dulot ng kasakiman ng mga tao sa bilyon-bilyong pisong pera ng bayan na nakalaan sa mga proyektong kailangan para mabawasan ang pagbabaha. At ang masakit na trahedya ay ang pananahimik at mistulang pagpayag na lamang ng mga Pilipino na mangyari ang kasakimang ito sa ating bayan. Think about it.
Lumalabas sa pinakahuling pagtatanong ng Social Weather Stations (SWS) na higit 16 milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap. Ngayong taon lamang, ang Kongreso ay naglaan ng higit 160 bilyong piso para sa pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng mga programang 4Ps, AKAP at AICS, na kung susuriin ay halos pare-pareho naman ang mga benepisyong ibinibigay—mga programang inuulan ng litrato, tarpaulin at presensya ng ilang mga pulitiko tuwing may bigayan. Iba pa ang 4Ps, AKAP at AICS sa mga subsidiya mula sa iba pang mga departamento ng pamahalaan kagaya ng TUPAD ng DOLE, na kahirapan ng mga Pilipino pa rin ang gustong solusyunan.
Habang patuloy na lumalaki ang inilalaang pera ng bayan para sugpuin ang kahirapan, bakit patuloy namang dumarami ang mga Pilipinong nagsasabing sila ay naghihirap? Kaya tuloy ang ilang pulitiko tila sa kahirapan din namumuhunan para utuin ang taong-bayan. Think about it.
Ang diwa ng party-list system sa Saligang Batas ay para magkaroon ng representante sa Kongreso ang mga miyembro ng lipunan na tinaguriang marginalized, o mga sektor na hindi binibigyang halaga, at underrepresented, o mga sektor na kulang ang representasyon. Ngunit sa nagdaang party-list elections, lalong lumilinaw ang katotohanan na nasasalaula na ang busilak na adhikain ng party-list system. Sa pag-aaral na ginawa ng election watchdog na Kontra Daya noong 2022 elections, may mga party-list group na may koneksyon sa political dynasties, malalaking negosyo, at maging sa gobyerno at militar, at ang iba’y hindi klaro ang adbokasiya. Nangyayari ito nang dahil na rin sa desisyon ng Korte Suprema na ang tumatakbong party o organisasyon ay hindi na kinakailangang nakahanay sa anumang sektor at hindi na kailangang kumatawan sa mga marginalized at underrepresented.
Sapat na ang pagkakaroon ng adbokasiya para sa ipinaglalabang sektor. Papayagan na lang ba natin na magtuloy-tuloy at lalo pang tumindi ang kabuktutan sa party-list system? Think about it.
Ipinangako ng mga taong gobyerno na nag-apruba sa Executive Order No. 62 noong Hunyo na ang kautusan na ito ay magpapababa sa presyo ng bigas at magpapatatag sa supply nito. Kaya sa harap ng maingay na protesta ng iba't-ibang grupo sa sektor ng agrikultura, itinuloy ang pagpapatupad sa EO 62, na nagmamandatong ibaba ang taripa o buwis sa pag-aangkat ng bigas sa 15%, mula 35%. Dahil dito, umaasa ang ating mga mamamayan na bababa ang presyo ng bigas. Subalit sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng mga taga Department of Agriculture, National Economic and Development Authority, at iba pang mga opisyal ng gobyerno, ang katotohanan ay sa halip na bumaba ang presyo ng bigas, ito ay nananatiling mataas.
At ang pangako ng gobyerno na pagbaba ng presyo ng bigas ay nananatiling pangako na nanganganak pa ng mga pangako na puno rin ng kasinungalingan. Think about it.
#TedFailonandDJChacha #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM
Sa naganap na mga hearing kamakailan lamang sa 2025 budget ng DOTr at DPWH, tila nagulat at naguluhan ang ilang miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso na nawalan ng pondo ang malalaki at pangunahing proyekto ng dalawang ahensya na ito—mga reaksyon na mahirap tanggapin dahil sila rin naman ang gumawa at nag-apruba sa pambansang budget noong nakaraang taon. Ang paghahanda sa taunang pambansang budget ay isang mabusisi, mahaba at magastos na proseso upang matukoy ang mga pinakaimportanteng programa at proyekto ng gobyerno na dapat paglaanan ng pondo. Ngunit ang napakahalagang proseso na ito ay nawawalan ng saysay dahil sa umiiral na time-honored tradition ng pagbabago at pagsingit sa budget sa deliberasyon ng bicameral conference committee, na agad namang inaaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Time-honored tradition na isinasangkalan para dumulas ang budget ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, maging budget ng Senado at Kamara de Representantes. Nawawalan ng kabuluhan ang dapat sana ay mahigpit at masinsinang pagsuyod sa pambansang budget na paglalaanan ng pera ng bayan dahil sa maling tradisyon ng Kongreso at kawalan ng dangal ng maraming pulitiko. Think about it.#ThinkAboutIt #TedFailonandDJChaCha #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM
Isa sa mga diwa at adhikain ng ating demokrasya ay ang prinsipyo ng checks and balances. Sa tatlong sangay ng gobyerno, poder ng Kongreso na aralin, suriin, at pangalagaan ang paggasta sa pera ng bayan.
Paglago ng ekonomiya, pagbaba ng antas ng kahirapan—iyan ang malugod na inanunsyo ng ating gobyerno kamakailan lamang. Ngunit kung susuriin ang 2023 Poverty Statistics na inilathala ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na ang mga rehiyon na may mas mataas na inflation rate at mas mababa pa sa P450 ang daily minimum wage, ay siya ring mga rehiyon na marami ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap.
Sa mahal ng gastusin at barat na arawang sahod, hindi naaabot ng mga mamamayan sa mga rehiyon na ito ang poverty threshold na itinakda ng PSA para maituring silang non-poor population. Subalit, tunay nga bang may reklamo ang mga manggagawa at pamilyang naghihirap sa mga rehiyon na ito? O sila'y parte ng ating lipunan na patuloy lamang na nagtitiis at nananahimik sa gitna ng maliwanag na inhustisya na nangyayari sa kanilang probinsya, at sa ating bayan? Think about it.
Ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay nagkakaroon ng budget hearing kung saan dapat hinihimay nang lubos ang bawat departamento, at ang mga programa ng mga departamentong ito na paglalaanan ng pera ng bayan. Ang Kamara at Senado ang nag-aapruba sa paglalaan ng bilyon-bilyong piso para sa flood management, flood control at flood mitigation projects. Ngayon inuusisa ito ng Senado, saan daw napunta ang pera, at bakit wala umanong master plan? Nagbigay kayo ng bilyon-bilyong pisong pondo sa programang walang master plan? Habang nagagalit din ang ilang mambabatas kung bakit kinukuha ng Department of Finance ang P89.9 billion na pera ng PhilHealth. Sino ba ang nag-lagay, at nag-apruba sa general appropriations act para payagan na ito ay gawin ng DOF sa PhilHealth? Think about it.
Mula 2016 hanggang 2023 aabot na sa 854 bilyong piso ang kabuuang halaga na inilaan ng bayan para sa flood control at flood management program ng gobyerno. Magkaiba pa ang budget ng DPWH at MMDA at mistulang bumabaha ang pera ng bayan na inilalaan para sa problema ng pagbaha. Pero sa halip na mabawasan ay bakit lalong tumitindi pa ang pagbabaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan tuwing may malakas na ulan? Taong 2012 pa lang may nabuo nang Metro Manila Flood Management Master Plan. May master plan na naman. Malinaw na hindi pondo ang ugat ng problema kundi kawalan ng pananagutan ng mga opisyal na nagpapatupad sa mga proyekto ng gobyerno. Mga opisyal ng gobyerno na sila ring pumipili ng mga kontratista para sa mga proyektong ito. Patuloy na magdurusa ang bayan sa problema ng baha hangga't hindi nalilinis ang hanay ng gobyerno sa mga basura sa loob nito. Think about it.
The podcast currently has 179 episodes available.
3 Listeners