Gabi-gabi ko nalang naririnig ang tila isang boses,
Binabanggit ang ngalan ko ng maraming beses.
Sa t'wing hahakbang ako palapit sa tinig,
Biglang maglalaho hanggang sa 'di ko na ulit marinig.
May isang pagkakataon na siya'y aking nakausap,
Malayo siya sa akin at tila ayaw humarap.
Subalit mababanaag sa bawat pagbigkas ang lungkot at pagsinghap,
Tumatak sa akin ang kanyang linyang "hindi ko na siya mahanap".
Ako'y napabalikwas at naalimpungatan,
Muli ko siyang narinig kaya't sinubukan ko s'yang sulyapan.
Subalit sa aking pagmulat isang salamin ang aking nabungaran,
Nakita ko ang sarili kong nakalutang sa kawalan.
Naluha ako at sobrang kinilabutan,
'Pagkat sa ilang taon na rin akong nakakulong sa sariling kalungkutan.
Nagpalunod sa dilim hanggang sa hindi ko na namalayan,
Na pati sarili ko'y aking pinabayaan at hinayaang ako'y iwanan.
Sarili ko, patawad.
-Sharmaine
~ITO'Y IYONG PAHINGAHAN~