Mabuting Balita l Agosto 10, 2023 – Huwebes
Ika-18 sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Lorenzo, diyakono at martir
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”
“Para kanino ka Bumabangon?” Yan ang isang patalastas sa telebisyon ng isang sikat na brand ng kape. Pero, ang tanong ko sa
‘yo? “Para Kanino ka Nabubuhay?” Ikaw ba ang taong, masaya pero laging may kulang? Ano ba ang importante ngayon sa buhay mo? Ang
iyong kasikatan, tagumpay, kayamanan, at kapangyarihan? Mga kapatid, ang buhay natin dito sa lupa ay isang paglalakbay. Isang paglalakbay, kasama si Hesus, ang ating pamilya, kaibigan, katrabaho,
kapatid, kapanalig. “No man is an island” ika nga. At sa paglalakbay
nating ito, tinatahak natin ang daan ng krus, kung saan kinakailangan nating maging katulad ng isang butil ng trigo, na nahuhulog sa lupa at namamatay upang mag bigay buhay sa iba. Katulad ng ginawa ni Kristo, na inalay ang kanyang buhay para sa atin, nararapat lamang na ialay din natin ang ating buhay para sa iba. Lubos itong nauunawaan at isinabuhay ni San Lorenzo, Diakono at Martir, na Kapistahan
ngayon. Si San Lorenzo ay naging martir noong Agosto 10, 258, sa panahon ng pag-uusig ni Emperor Valerian. Siya’y naging kataas-taasang
awtoridad ng Simbahang Katolika at naging ingat-yaman ng simbahan sa Roma. Siya ang “Guardian of the Church Treasures.” Gusto
sana siyang palayain ng Emperor, sa kondisyong dapat niyang isuko ang lahat ng yaman na pag-aari ng Simbahan. Noong siya’y humarap sa Emperor, isinama nya ang mga taong mahihirap, may karamdaman, at may kapansanan, at sinabi nya “Ito ang lahat ng kayamanan ng Simbahan.” Kaya dali-daling siyang dinala sa kanyang kamatayan sa pamamagitan ng pag-ihaw ng buhay sa parilya. Mga kapatid, si San Lorenzo ay isang taong hindi lamang nabuhay para sa kanyang sarili, kundi nabuhay siya para kay Hesus at sa iba. Pinili niyang
maging butil ng trigo, namatay para magbigay buhay sa pag-ibig ni Kristo. Kapatid, “Para Kanino Ka Bumabangon?” “Para Kanino ka Nabubuhay?”
- Fr. Patrick Paul de Castro, OSA – Order of St. Augustine, Province of Sto. Nino de Cebu - Philippines