I.N.A (Iniibig Na Alaala)
Ni Lee Feng T. Nunez
Kapag nakakita ng masayang ina
Aking naaalala mahal kong ina
Ang ngiti sa mukha at pag-aalaga
Ay walang katumbas anumang halaga
Pumanaw man siya ay nandito pa rin
Nasa aking puso at pati damdamin
'Di man makita kanyang katauhan
Ay palagi naman nandiyan sa tabihan
Kanyang alaala ang saki'y naiwan
Palaging masaya walang kalungkutan
Palaging kasama sa 'king kadramahan
Sa 'king kasiyahan at sa kalokohan
Habang sinusulat itong aking tula
Ay nararamdaman ko ang pangungulila
Ngunit sa kabila ako'y natutuwa
Habang tumutulo aking mga luha
Aking naalala aking pagkabata
Palaging may handang tinapik sa mesa
At kung kaarawan, may balut na isa
At kung Pasko nama'y damit na maganda
'Pag may sugat naman agad lalapitan
Ito'y gagamutin at pag-iingatan
'Di paglalaruin, 'di palalabasin
Bibigyan ng payo at mga pagkain
Dahil mahal niya 'di pababayaan
Ayaw matatalo, ayaw palalamang
Makikipagtalo, makikipaglaban
Upang mahal niya'y mapabuti lamang
Ang lahat ng saya kapag siya'y kasama
Ay hinahanap ko sa tuwi-tuwina
Ang pag-aaruga ay walang kapantay
Ganyan kahalaga ang gawa ni Nanay
Ang bahay ay kulang kung wala ang ilaw
Parang buhay lamang 'pag walang liwanag
Palaging madilim parang walang araw
Madaling gibain, madaling matibag
Kaya ating oras ay 'wag aksayahin
Ang ating magulang ay ating mahalin
Dahil 'pag nawala sila sa 'ting piling
Baka ating hangarin ay 'di na marating
Ang punto ko lamang ay iyong malaman
Ang bawat halaga ng ating magulang
Lalo na sa ating nag-iisang ina
Na kapag nawala ay parang sakuna
Mangungulila ka araw man o gabi
Laging hahanapin ang kanyang pagtabi
Tuwing lumuluha, tuwing may problema
Hindi mo na siya muling makikita
Lagi kang iiyak ng walang kasama
Lagi kang malungkot, laging nag-iisa
Sapagkat wala na ang mahal mong ina
Na iyong kakampi sa tuwi-tuwina
Kaya ang tulad ko lumaking masaya
At naging matatag kahit walang ina
Ang naging pundasyon ay ang alaala
Na laging sariwa sa aking memorya
Ngayon aking ina salamat sa iyo
Ikaw ang nagturo sa buhay kong ito
Kung pa'no lagpasan ang mga pagsubok
Kung pa'no mabuhay ng hindi marupok
Kung nasaan ka man sana'y nakikinig
Sa aking pagtawag, sa 'king mga himig
Nais kong sabihing ika'y iniibig
At handang higpitan ang kapit sa bisig
Oh mahal kong ina salamat sa lahat
Salamat sa gabay at mga pangarap
Aking ginagawa ay iyong imulat
Kung saan ang tama hahit na mahirap
Ako'y patawadin kung nagkakasala
Sa mga kapatid at ating pamilya
'Di man magampanan ang pagiging kuya
At pagiging isang mabuting kasama
Kaya sana ina masaya ka diyan
'Wag ka mag-alala sa ating pamilya
Ako ang tutulong sa ating pagyaman
Ako ang bubuo sa tamang istorya
Masaya ang wakas, masaya ang lahat
Kasama sa taas, kalaro sa ulap
Pagmamasdan natin ang ganda ng dagat
At kokompletuhin ang mga hinahanap
Sa tula na ito ay isisigaw ko
Kung gaano kapalad ang mga tulad ko
Kahit walang ina ay nararamdaman
Ang init ng yakap na walang hangganan
Ang huling bahagi sa'yo iaalay
Mahal kita Nanay, mahal kita Mama
Mahal kita Mommy, mahal kita Ina
Mahal kita kahit alaala ka na.