Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Hesus. Gusto nilang subukan si Hesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Hesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
Mga kapanalig, nais kong ibahagi sa inyo ang aking karanasan nang ako’y nagdesisyong pumasok ng kumbento. Bagama’t marami ang nagtataka at hindi nakakaintindi kung bakit ako pumasok, maging ang aking ina, mga kapatid, kaibigan at mga kamag-anak – nagpatuloy pa rin akong tahakin ang bokasyon ng pagmamadre. Iba’t iba ang kanilang haka-haka kung bakit ako nagmadre. May nag-aakalang bigo daw ako sa pag-ibig. Sa tingin naman ng nanay ko, takot daw akong manganak. Di rin makapaniwala ang mga kapatid ko dahil wala daw sa tipo ko ang makakatagal sa kumbento. Limang taon na akong nagtatrabaho noon, at nag-eenjoy ako sa aking trabaho. Masaya akong kasama ang aking pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Pero sa kabila nito, tila may kulang akong nararamdaman sa aking puso na sinikap kong hanapan ng kasagutan. Ito ang nag-udyok sa akin para sumailalim sa seryosong discernment o pagtuklas sa pamamagitan ng panalangin kung ano talaga ang gusto ng Diyos para sa akin. Hindi man malinaw sa akin kung ako nga’y tinatawag ng Diyos sa pagmamadre, pero sinubukan ko pa ring pumasok. Sabi ko sa aking sarili, wala namang masamang sumubok. Kung ma discover ko along the formation years na hindi talaga ako sa pagmamadre, e di lalabas ako’t mag-aasawa. Marami akong pagsubok na naranasan sa loob. At makailang ulit ko ring naisipang lumabas sa kumbento. Ito ang mga pagkakataong lalo pa akong nagdasal at humingi ng tanda sa Panginoon. Sabi ko sa Diyos noon, kung magkakasakit ako ng malubha habang nag-aaral pa ako sa pagmamadre, malinaw na tanda ito na hindi talaga ako para sa bokasyong ito. Sa awa ng Diyos, minor lang ang mga naging sakit ko noong under formation pa ako. At ramdam na ramdam ko ang buhay na presensya ng Panginoon lalo na mga panahong nahihirapan na akong tumugon sa aking bokasyon. Ngayong 21 years na akong professed sister, nasabi ko sa aking sarili na tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako na kapag tinawag ka Niyang maglingkod, bibigyan ka Niya ng biyayang kayanin ang lahat ng pagsubok na kakaharapin mo, gaano man ito kabigat at kalaki. Nagkasakit ako ng malubha noong 2014 at naaksidente at napilay noong 2019. Pero sa lahat nang ito, iniligtas ako ng Panginoon, tanda ng Kanyang pag-ibig at habag sa akin. Mga kapanalig, hindi naman masamang humingi ng tanda sa Panginoon, lalo na sa mga ginagawa nating pagdedesisyon. Pero maging bukas sana tayong tanggapin kung ano man ang Kanyang tugon, at lagi itong gawin nang may panalangin at pagtitiwala sa Diyos.