Mabuting Balita l Marso 19, 2024 – Martes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Ebanghelyo: Lucas 2:41–51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Hesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Hesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha
sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyangmga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang
hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at
patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
“Thy will be done. Mangyari nawa ang kalooban mo.” Ito ang mga katagang nasambit ng mga ilang karakter sa bibliya.
Ilan dito ay sina Maria at Hesus. Sagot ni Maria “Thy will be done” noong kinausap siya ng Anghel na siya ang maging ina ng Mesiyas (cf Luke 1:38). Nasambit naman ni Hesus habang siya ay nagdarasal sa hardin ng Getsemani, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari
nawa ang inyong kalooban” (Mt 26:42) At ngayon ay si San Jose, na maaaring kahit isang salita mula sa kanya ay walang naisulat sa bibliya, pero sa kanyang gawa ay kitang-kita at ramdam na ramdam ang naisin ng kanyang puso’t isipan—ang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos.
Try to imagine the situation of Joseph, bago ang pagpapakasal niya kay Maria. Sigurado ako na marami na siyang plano, bago
pa man sila magsama: pakakasalan niya si Maria; magpapagawa ng bahay (tandan karpintero siya), magsasama at titira roon at magkakaroon marahil ng maraming mga anak na tatawaging Joseph Jr. o Joseph II o little Josie. But wait, lahat ng mga ito ay gumuho, noong nalaman niya ang kundisyon ng kanyang magiging asawa na buntis na pala; at marahil mismong si Maria ang nagkuwento kay Jose kung paano siya nabuntis dulot ng Espiritu Santo. Ang hirap unawain di ba? Kung kayat nagdesisyon siyang hiwalayan niya ito ng tahimik. Pero nagbago ang lahat
noong siya ay nanaginip, at doo’y nagpakita sa kanya ang anghel at sinabi ang kalooban ng Diyos. Sa kanyang paggising ay binigyang katuparan ang mithiin ng Diyos. Mga kapanalig, sa ating pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose, bilang kabiyak ng puso ni Maria, tinatanong tayo, ‘sumusunod din ba tayo sa kalooban ng Diyos?’ Tandaan, sa bawat pagdasal natin ng Ama Namin, lalong lalo na sa bahagi ng ‘sundin ang loob Mo dito
sa lupa, para nang sa langit’, isa rin itong pagpapaalala na
dapat ang kalooban ng Diyos ang masunod. Kung kayat bilang anak ng Diyos, tularan natin si San Jose na kayang isantabi ang mga makasariling hangarin, at gampanan ang kalooban ng Poong Maylikha. Amen.