Mabuting Balita l Enero 13, 2024 – Sabado
Unang Linggo ng Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Marcos 2:13-17
Pumunta si Hesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Hesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Talagang ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod
sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Nangangailangan ng Manggagamot ang may karamdaman. Mga
kapanalig, sino sa atin ang may pagkakamali, pagkukulang, kahinaan, kapintasan, kakapusan? Alam kong bawat isa sa atin may dinaramdaman na sugat ng kahinaan. Maaari rin nating tanggapin na nasasalamin sa ating kalooban ang karamdaman ng ating lipunan. Napakinggan natin ang iniaalay ng Panginoon na
paghilom. Narito Siya para hilumin, punan, patawarin ang ating
kahinaan. Alam kong lahat tayo napag-aralan ang Noli Me Tangere. Ito ang kathambuhay o nobela na isinulat ng ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal. Inihalintulad niya ang lipunan ng Pilipinas sa isang kanser noong kapanahunan niya. Ang bayang nagdurusa sa sakit, na ayaw magpasaling. Kaya pinamagatan itong “Huwag mo akong salingin” o “Touch me not.” Pagsasalarawan na may katotohanan. Mainam na gawing buhay ang mga tauhan sa kuwento na nakikipag-usap sa mambabasa. Katulad sa isinateleseryeng Noli Me Tangere at El Filibusterismo noong nakaraang taon nina “Maria Clara at Ibarra.” Inilahad sa nobela ang malalang sakit ng ating bayan. Sakit ito ng korupsyon, kawalan ng katarungan, ng karalitaan, at ng pang-aabuso ng mga may kapangyarihan, ma-politikal man o ma-pasimbahan. Totoo na bahagi sa isinulat, ang ibang lingkod ng Simbahan na naging mapang-abuso. Ngayon naman, sa kasalukuyang karamdaman at challenges ng ating Inang Sambayanang Katoliko, may panibago
siyang panlunas na sinisikapang gawin. Sa pangunguna ni Pope Francis kasama ang mga obispo, ang mga pari, mga consecrated religious men and women, lay people, ginanap ang Unang session ng Synodal Assembly noong nakaraang October 2023.
Ayon sa Final Document, nag-establish ang Simbahan ng panibagong baptismal ministry of listening and accompaniment. Nagpromote din ng magkakatuwang na mabuting pagpapasya sa kontobersyal, mga doktrina, at isyung moral sa liwanag ng Salita ng Diyos, mga Turo ng Simbahan, mga maliwanag na pagninilay tungkol sa Panginoon. Naroon din ang layunin na maging buhay na saksi sa yaman ng naging karanasan sa Synod tulad ng pakikinig, pananahimik, pagbabahaginan, at pananalangin. Abutin natin ang paghilom na nakalaan sa ating sari-sariling
paghilom. Hawak-kamay din tayo bilang binyagang Kristiyano na humakbang tungo sa tunay na paghilom natin bilang bayan ng Diyos.
-Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul