Mabuting Balita l Agosto 23, 2023
Miyerkules sa Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon
Paggunita kay Santa Rosa de Lima, dalaga at Pangalawang Patrona ng Pilipinas
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari
para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n’ya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.
Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran
sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-iisang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila sa amin ngayon na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?’ “Kaya sinagot
ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang
huli, at mahuhuli ang una
God cannot be outdone in generosity. Nagbibigay Siya ayon sa Kanyang kagustuhan. At ang Kanyang kagustuhan ay magbigay ng siksik,
liglig at umaapaw sa lahat ng Kanyang mga anak, kahit tatamad tamad pa yan, bibiyayaan pa rin Niya kagaya ng pagbubuhos Niya ng biyaya sa mga masisipag Niyang mga anak. Merong kwento tungkol sa isang pinuno ng organisasyon. Masipag siya at nagpakasipag pa, upang ma-promote ang kanyang organisasyon. Lahat ng proyekto ay ginawa niya alang-alang sa pagpapabuti at pagpapatibay ng kanyang hinahawakang grupo. Nais talaga niya na makamit ang titulo na nararapat para sa
kanila. At dumating na nga ang araw na pinakahihintay, ang announcement ng promotions. At yun na nga, ina-nounce na na-promote ang kanyang grupo. Pero, ang hindi inaasahan ng lahat, na promote din yung ibang grupo na hindi man lang nag-effort na palaguin ang kanilang grupo, at wala ni isang project. Masaya naman ang pinunong ito, pero feeling niya unfair talaga na na-promote din yung
iba, kahit wala silang ginawa. Mga kapanalig, sa mata ng tao, ang Diyos ay unfair din, pero hindi nga ba ganito Siya magmahal? Walang kundisyon, karapat-dapat man tayo o hindi, patuloy pa rin Siya sa pagbibigay ng Kanyang mga biyaya. Nawa mas makilala pa natin ang ating Diyos sa Kanyang kabutihan at kagandahang-loob. Amen.
- Sr. Nina Lorilla, fsp l Daughters of St. Paul