Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”
What is the purpose of my life? What is the purpose of your life? Ano nga ba ang kahulugan ng aking buhay, tanong ko sa aking sarili. Ano ang kahulugan ng inyong buhay? Mga kapanalig, mga kapanalig naming OFW, lalo na ang mga kababayan nating OFWs na maaaring naghihirap sa kanilang trabaho… Bakit natin tinitiis ang lahat? Sa ating mabuting Balita ngayon, tuwirang sinabi ni Hesus sa kanyang nga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magtiis ng maraming hirap. Itatakwil Siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba”. Dito, ipinakikita na sa atin ni Hesus kung ano ang kahulugan ng kanyang buhay. Maghihirap Siya, dudustain, pagtatawanan at ang paghihirap niya’y hahantong sa kamatayan; ano ang kapalit? Ano ang kahulugan? Para sa ikapag-papatawad ng ating mga kasalanan. Kapalit ng Kanyang kamatayan, ang ating kaligtasan. Hindi natakot si Hesus na harapin ang pagdurusa at kamatayan, dahil sa pag- ibig Niya sa atin. Batid ni Hesus na ang lahat ng kanyang ginagawa ay pagtugon sa Banal na kalooban ng Diyos Ama. Kaya mga kapanalig, huwag nating tanggihan o iwasan ang mga Krus ng buhay, dahil sa bisa at lakas ng ating panalangin, at sa panalangin ng mga nagmamahal sa atin, gagaan at makakaya nating dalhin ang mga krus ng buhay. Ang krus ay may vertical position at tumutukoy ito sa ating personal na relasyon sa Diyos. At ang horizontal position naman ay tumutukoy sa relasyon natin sa ating kapwa. Ang krus ay simbolo ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Sa ating pagyakap sa sarili nating krus, niyayakap din natin ang Diyos at kapwa. Sa krus at sa pamamagitan ng krus, naganap ang ating dakilang kaligtasan.