Mabuting Balita l Pebrero 27, 2023 – Lunes
Unang Linggo ng Kuwaresma
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako. Nang may sakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.' At itatanong sa kanya ng mabubuti; 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.' Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: 'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at di ninyo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ako pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.'
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Mahal ng Panginoon ang mga aba: ang mga ulila, balo, dayuhan, ang mga nasa laylayan ng lipunan. Sila ang inihabilin niya sa atin na mahalin, tulad nang pagmamahal sa ating sarili. Kaya nga sa oras nang paghuhukom, ang ating ginawa o di ginawa sa mga aba ang gagamiting panukat ng Panginoon upang malaman kung sino ang pinagpalang makapasok sa kalangitan at sino ang itatapon sa nag-aalimpuyong apoy. Suriin natin ang ating mga sarili, at magbago habang may panahon pa. Walang puwang sa kaharian ng Diyos ang mga makasarili at mga walang pakialam sa kapwa.
Panginoong mahal, gugulin po sana namin ang aming natitirang panahon sa mundong ito sa paggawa nang makakabuti sa aming kapwa, nang walang hinihintay na kapalit. Napakarami pong nangangailangan nang tulong, nang pang-unawa, nang pagkakataong makapagsimulang muli. Magamit nawa namin ang aming mga kaalaman at kakayahan upang tulungan silang makabangon sa kanilang pagkakalugmok. Di namin ito kayang mag-isa, Panginoon. Kailangan ka namin at ang lakas at tatag ng kalooban na ikaw lamang ang makapagbibigay. Gabayan mo po kami, Amen.