Mabuting Balita l Marso 2, 2023
Huwebes sa Unang Linggo ng Kuwaresma
Ebanghelyo: Matthew 7:7-12
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Humingi at kayo'y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n'yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”
May formula ka ba sa pag-abot mo ng tagumpay? Si Blessed James Alberione, ang founder ng Pauline Family ay may naisulat na dasal, ang “Secret of Success”. Sa dasal na ito, humihingi siya ng biyaya ng tagumpay mula sa ating Panginoong Hesukristo para sa apostolado ng Pauline Family, ang palaganapin ang Mabuting Balita gamit ang “means of social communication.” Sa dasal na ito, buong pagpapakumbabang inaamin ni Blessed Alberione, ang kahinaan ng bawat miyembro ng Pauline Family. Para kay Blessed Alberione, anumang gawin namin nang may buong pagtitiwala sa biyaya ng Diyos, ang magbibigay tagumpay sa aming apostolado, at hindi ang aming sariling kakayahan. Sa dasal na ito, ibinabahagi ni Blessed Alberione ang formula na - PRAY, WORK and BELIEVE, upang maging matagumpay sa mission.
Sa Mabuting Balita ngayon, binibigyan din tayo ng ating Panginoong Hesukristo ng “formula” sa ating pagsumamo sa Diyos. Ito ang HUMINGI, MAGHANAP, at KUMAKATOK. Ang pangako ng ating Panginoong Hesukristo – pagbubuksan niya tayo ng pinto. Sa ating pagdarasal sa Diyos, mahalaga ang disposisyon ng pagpapakumbaba, dahil ito ang ating susi sa puso ng Diyos. Sa ating karanasan, minsan pag feeling natin na hindi dinidinig ng Diyos ang ating mga panalangin, sinasabi natin na parang pinagsarhan ako ng Diyos ng pinto.
Mga kapanalig, tandaan natin, na hangad lagi ng Diyos kung ano ang makabubuti sa atin. Kaya matuto pa rin tayong maghintay at maging bukas sa sorpresa ng Diyos sa ating mga buhay. Patuloy lang tayong humingi, maghanap, at kumatok sa Diyos. Di man tayo pagbuksan sa unang pinto ng ating panalangin; tandaan natin na napakaraming pinto pa ang di nabubuksan. Siguradong ang bubuksan ng Diyos na pinto para sa atin, ay yung mas deserve natin.
- Fr. Sebastian “Baste” Gadia, SSP / Society of St. Paul