Mabuting Balita | Oktubre 29, 2022 – Sabado
Ika – 30 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Hesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa sa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Sinabi ni Hesus sa puno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak mo o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo at magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.
Ang talinghaga ay NAGPAPAALALA sa atin na maging humble o mapagpakumbaba sa kabila ng mga tagumpay, pagyaman, pagtanggap ng mga karangalan, posisyon, o papuri.
Ang ebanghelyo mula sa kay San Lucas ay nagtuturo na huwag tayong maging mayabang. Nakakasaksi tayo ng mga tao or grupo o mga bansa na nag aaway away at nagdidigmaan. Napapaalipin sila sa kasakiman at kayabangan. Marami ang mga inosenteng naaapektuhan at nasasaktan o namamatay. Nawawala ang kapayapaan.
Ang social media ay isang magandang daan upang ipakita natin ang mahahalagang values at pagsisikap upang makabigay tayo ng inspirasyon sa kapwa. Pero kung ang dahilan ng pagpapakita nito ay upang sumikat at papurihan, ito ay isang tendency o ugali na salungat sa kababaang loob. Kailangan natin ang tulong ng Diyos upang maging malaya sa ating pangangailangang ipagmalaki ang sarili nating kahalagahan sa harap ng iba.
Natutuwa ang Panginoon sa mga mabababang loob. Isang halimbawa ang ating Mahal na Birhen na tinanggap ang kalooban ng Diyos at nagsabing “Narito ang alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo.”
Pinatawad niya si Pedro at muling itinaas, matapos na ito ay magsisi sa pagtanggi na kilala niya si Hesus. Tayo ay di karapat dapat sa pagmamahal ng Panginoon, ngunit sa ating kababaang loob, inaaamin natin na kung tayo ay nawalay sa kanya, wala tayong magagawa. Ang pagpapakumbaba ay hindi nagpapababa sa ating sarili, sa halip ito ay tumutulong sa mga tao na magkaisa at magtulungan sa pag-unlad ng buhay ispiritwal o materyal. Sana ay lagi tayong maging mapagpakumbaba dahil itataas ng Diyos ang lahat ng mapagpakumbaba. – Sr. Yolanda Dionisio, fsp | Daughters of St. Paul