Mabuting Balita | Oktubre 17, 2022 – Lunes
Ika – 29 na Linggo Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Hesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag pa ni Hesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang aking gagawin? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang aking gagawin, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami ka ng ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”
Ano ba ang ating dapat pag-ipunan? Sa araw na ito ng kapistahan ni San Ignacio ng Antioquia, tayo ay pinaaalalahanan na ang pagbabagong buhay upang makilala natin
ang Diyos sa tuwid na daan ay walang pinipiling edad. Si San Ignacio ay isang Griyego
na kinalauna’y umanib sa pananampalatayang Kristiyanismo. Kilala si San Ignacio bilang Patriarka na kinikilala ng Simbahan bilang haligi ng sinaunang pananampalatayang Kristiano dahil sa kanyang mga sinulat tungkol sa Simbahan, mga
sakramento at ukol sa pamumuno ng Obispo, kasama ng kanyang kaibigang si Policarpio. Siya ay nag-alay ng buhay at dugo bilang martir sa pagsunod sa Panginoon. Sa ating Ebanghelyo, tayo ay hinihikayat na mag-impok ng kayamanan sa langit hindi ng bagay na kinalauna’y maiiwanan lamang natin dito sa lupa. Walang masamang mag-hanap-buhay, maghangad na umahon sa kahirapan at magkaroon ng ari-arian. Ngunit kung ang ating buhay, atensiyon at puso ay nakatuon na lamang sa mga bagay namatatagpuaan dito sa lupa, nakakaligtaan natin na higit na dapat unahin natin ang mga bagay na makapagliligtas sa atin at magdadala sa atin sa kahariaan ng Diyos. Hilingin natin sa Diyos na kasihan tayo ng kanyang Espiritu upang lagi nating hangarin at unahin sa ating buhay ang Diyos. Ang Diyos na laging naghahangad na makapiling tayo hanggang wakas dahil mahal niya tayo. Gamitin nawa tayo ng Diyos upang maging kalasag upang mapaghandaan natin ang ating buhay sa kabila at gayundi’y maging instrumento nawa tayo sa pamamagitan ng social media at iba pang paraan upang hikayatin ang iba na pag-ibayuhin ang paghahanda para sa ating buhay kasama ng Panginoon sa kanyang Kaharian, Pagpalain kayo ng Diyos.
Fr. Rey Hector Paglinawan | Diocese of Cubao