Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito'y may mas dakila pa kay Jonas.”
Nang mamatay si Queen Elizabeth, marami ang nakakita ng double rainbow mula sa ibabaw ng Buckingham Palace. Sign daw iyon ng pag-asa. May nagsasabi rin na ito ay ang mata ng Diyos na nakatingin sa symbolic home ng British Monarchy. May wisdom sa nakita nilang sign. Kung may karunungan sa ganitong tanda, mayroon ding sign of wisdom na paalala ang ating Jesus Maestro tungkol kay Solomon at ni Jonas. Simbolo sila ng maunawaing puso at pagsisisi. Kung sila ay naging huwaran ng karunungan, how much more kay Jesus na Siya mismo ang nagkatawang-taong Karunungan. Ang Karunungan na may malawak na pagmamahal at pang-unawa, nalalaman ang lahat, salamin ng walang hanggang buhay, ang larawan ng kabutihan ng Diyos. Siya si Jesus. Bago pa nilikha ang lahat, Siya na. In fact, nasusulat sa Aklat ng mga Kawikaan: “Mula pa sa walang pasimula, naroon na Ako.” Sa larawan ng Kanyang kagandahang-loob, nabiyayaan tayo ng Karunungan. Tulad sa iba’t ibang makukulay na karanasan natin. Naguguhit sa bawat pangyayari ang Kanyang karunungan. Kailangan lang nating maunawaan. Halimbawa, kapag namatayan tayo, hindi lang basta nauulila tayo. May karunungan sa kanilang paglisan. Pagkakataon ito na mapagtanto natin ang kahalagahan ng buhay o ng pagsisisi, ng pagpapatawad. O kaya nabigo ka sa iyong dream project. Sa una ang galing-galing ng performance mo, kaso may nangyari na hindi mo inaasahan na bumagsak ito sa iyong mga kamay. Nawala nang parang bula. Ano’ng karunungan ang naroon? Ang kahalagahan ng natutuhan mong lesson sa iyong experience, ang karunungan sa pagpupursigi at katibayan ng loob. Alam n’yo ba na sa oras na nakakaranas tayo ng pighati, ng kalungkutan, ng krisis, naroon tayo sa Piging ng Karunungan? Buong pagmamahal Niyang sinasabi: “Kumain sa aking Handaan at alak kong tinimpla ay tikman. Talikdan ang kamusmusan at mabuhay. Lumakad nang matuwid sa Landas ng Kaunawaan.” While we are in the Banquest of Wisdom, nothing is in vain. May kabuluhan ang lahat. Bukod sa lumalawak ang pananaw natin sa buhay, pinapatibay ni Jesus ang ating kalooban. Dito nabubuo ang runong sa ating puso. At sa oras ng pagdedesisiyon matatag tayong nakakapili ng akmang pagkilos at pagsasalita dahil sa mga lessons learned natin. Hanggang tayo mismo ang magiging salamin ng karunungan ng Diyos para sa iba. – Sr. Gemmaria dela Cruz, fsp | Daughters of St. Paul