Mabuting Balita | Oktubre 5, 2022 – Miyerkules
Ika – 27 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Hesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung papaanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Hesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pinalaki si Jesus ng kanyang mga magulang, nina Maria at Jose, na maging isang tapat na Hudyo. Kaya nagdarasal si Jesus tuwing umaga araw, tanghali, at gabi.
Pero kung ating babasahin ang ebanghelyo, sa maraming pagkakataon, hindi nakukontento si Jesus sa magdasal lamang doon sa mga oras na kailangan nilang magdasal bilang Hudyo. Madalas siya nagdarasal nang mag-isa. Minsan gigising siya ng maaga para manalangin. O di kaya sa gabi kapag tulog na ang mga alagad ay aakyat ng burol o bundok upang magdasal.
Pinagninilayan ni Jesus ang mga pangyayari sa kanyang buhay. Kanyang sinusuri sa panalangin kung ang kanyang mga ginagawa ay naayon pa ba sa kalooban ng Ama…dahil ‘yon naman talaga ang kanyang misyon sa mundo—ang gawin at tupdin ang kalooban ng Ama.
Ang kalooban ay nanggaling sa salitang-ugat na “loob.” At hindi lamang ito kabaligtaran ng salitang “labas.” Para sa ating mga Pilipino ang “loob” ang isang sagradong lugar kung saan nakakatagpo natin ang Diyos. Ang pagpunta ni Jesus sa ilang ay isa pagpasok sa kanyang kalooban upang makatagpo ang kanyang Ama.
Kaya nga kapag ibinabahagi natin ang ating sarili sa isang tao—sa isang kaibigan o sa isang spiritual director—sinasabi natin na “palagay ang ating loob” dahil alam nating hindi tayo huhusgahan. At pagkatapos nating ibunuhos ang ating mga “sama ng loob” ay gumagaan ang ating pakiramdam. At hindi lamang ‘yon, nagkakaroon din tayo ng “lakas ng loob” na harapin ang anumang pagsubok sa buhay.
Nawa’y hindi tayo magsawang manalangin, na pumasok sa ating kalooban upang makatagpo ang Diyos at nang ating malaman ang kanyang kalooban para sa ating buhay. Amen. – Fr. Anthony Capirayan, SSP | Society of St. Paul