Mabuting Balita l Marso 26, 2024 – Martes Santo
Ebanghelyo: Jn 13:21-33, 36-38
Nabagabag sa kalooban si Hesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa
inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Hesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Hesus. Kaya tinangunan ito ni Simon Pedro para usisain si Hesus kung sino ang kanyang
tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Hesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Hesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibingay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng
kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Hesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo. Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Hesus: “Niluwalhati
na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’
sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro:
“Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking Buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang
sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
Ang paraan ng ating pagkakanulo sa Diyos ay hindi sa pera lamang. Kundi anumang bagay, maging tao, na mas
binibigyan natin ng priyoridad o importansya kaysa sa Diyos. Maaring ito ay ang ating trabaho o careers, ang ating ambisyon, ang ating mga tagumpay, materyal na pag-aari at iba pa. Pero sa kabila ng maraming pagkakataong ipinagkanulo natin ang Panginoon sa ating buhay – hindi tayo tinatalikuran ng
Diyos. Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong matunton ang landas pabalik sa kanya.
Sa Mabuting Balita, alam ni Hesus na ipagkakanulo siya ni Judas. Pero hindi niya lubusan ibinunyag sa harap ng
kanyang mga alagad kung sino sa kanila ang magkakanulo sa kanya. Marahil ayaw niyang mapahiya si Judas sa harapan nila. Ganun na lamang ang pagkahabag ni Hesus sa mga makasalanan, maging kay Judas na magbubulid sa kanya
sa kapahamakan. Kung inimbitahan ni Hesus si Judas na maging bahagi ng kanyang piging, maaring iniimbitahan ka rin niya ngayon na maging bahagi ng kanyang iniaalok na kaligtasan. Ano ang tugon mo sa kanyang paanyaya? Ngayong Martes Santo, samahan natin ang Panginoon sa kanyang pagkabagabag at kalungkutan dahil ipagkakanulo siya ng tinuturing niyang isang alagad at kaibigan. Ipagkaisa natin sa kanya, ang mga karanasan natin ng kalungkutan, poot at galit, dahil sa mga pagkanulo at
pagtataksil na naranasan natin, mula sa ating mahal sa buhay at kaibigan. Hilingin natin sa Panginoon na hilumin tayo, sa sobrang sakit na naranasan natin, at turuan tayong magpatawad, Amen.
- Fr. Edward Dantis, SSP l Society of St. Paul