Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”
Ang butil ng trigo o kahit na ano’ng buto, hangga’t hindi nahuhulog sa lupa mananatili itong buto. Hindi tutubo, hindi lalago, hindi magbibunga. Sa ngayon, hindi na mabilang ang mga plantito at plantita. Natutuwang magtanim ng flowering plants at ganundin ang mga vegetables. Kahit na uso na ang hydroponics na sa tubig pinapatubo at nagsusupply din ng carbon, hydrogen at oxygen, garden soil pa rin ang mas pinipiling taniman. Dahil marami pa ang hindi pa handa sa ganitong sistema ng pagtatanim. Noon at ngayon, sa matabang lupa, mas satisfied tayo sa desired output ng ating tanim. Lupa ang kailangan para mabuhay ang tanim. Lupa, mula ito sa salitang latin na “humus”. Ito ang matabang-lupa gawa ng natutuyong dahon at bulok na prutas na humahalo sa lupa. Pinaka-nutritious itong planting material. Mas mataba ang lupa, mas mataba ang tanim, di ba? Tandaan natin na ang salitang human, ang ingles ng “tao” ay mula sa salitang Latin na “humanicus”. Ang meaning? Ang paglibing. Sa konteksto ng paglibing sa lupa ng buto, hindi lang ito konsepto, kundi paraang konkreto para magkaroon ng buhay. Inililibing para tumubo ang bùhay na nasa loob ng buto. Kung gayon, bilang tao, absolute necessary ang mamatay sa sarili. Habang tayo ay nabubuhay kailangang mamatay sa sarili para lumago ang handog na buhay sa atin ng ating Panginoon. Sa paanong paraan tayo sumasailim sa proseso ng pagkamatay at paglilibing? Isa dito ang pagsasantabi kung ano ang ibig natin, at buong loob na tatalima sa kalooban ng Panginoon. Halimbawa, nayayamot tayo sa isang tao, pero dahil kaloob ng Diyos na magkipagkasundo tayo sa kanya, mag-eeffort tayo na batiin siya at magbukas ng pag-uusapan na interesado ang kinayayamutan natin. Ito ang transcendence. Gawin natin na “humus” o pataba ang pagmamahal, ang pagpapatawad, at ang awa, at ibaon ang galit, ang sama ng loob, ang poot. O kaya, sa oras na nagpupursigi tayo para magtagumpay sa naiisip nating tama, pero natalo pa rin tayo. Pumasailalim at magnilay. Baka hindi yun ang paraan ng Diyos. Akala lang natin iyon. Gawin nating “humus” ang pagninilay, pananahimik at umasa sa banal na kilos ng Diyos. Kaya nga kapag kumakatok tayo, ang sinasabi natin: Tao po! Sa pagtanggap natin na tao tayo, isabuhay ang pagiging “tao”. Ilibing ang sariling kalooban para sa ikabubuti, ikaliligtas, at pagkakaroon ng buhay ng iba. Ito ang ginawa ni Jesus, namatay, inilibing. Umasa tayo na sa ganap na panahon, may buhay na walang hanggan tayong makakamtan. Sr. Gemmaria, FSP