Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.
Ang taong nakatagpo ng kayamanan sa isang bukirin, ay hindi nag-atubili na ipagbili ang lahat-lahat, upang makamtan lamang ang kayamanan duon. Ang kaharian ng langit ay tulad din daw ng isang mangangalakal, na naghahanap ng isang hiyas na perlas. Nang makita niya ito, ay ipinagbili niya ang lahat-lahat, upang mapasa-kanya ang mamahaling hiyas. Ang mga taong ito ay nakahandang ibigay ang lahat, makamtan lamang ang kayamanan. May kanya-kanya tayong hangarin sa buhay. Ano ba ang itinuturing nating kayamanan sa kasalukuyan? Dito natin makikita kung sino at kung ano ang itinuturing nating kayamanan, na matagal na nating hinahanap at nakahanda tayong itaya ang lahat makamtan lamang ang mga ito. Mahalaga po ito, upang makapag-desisyon tayo ng tama. Kung ang ating kayamanan ay ang mga material na bagay, hindi ito makapagbibigay ng kaligayahan sa atin. Seguro, mapapansin natin, na ang mga maykaya, ang mga may kapangyarihan, ang mga sikat o popular ay di lahat masasabing totoong maligaya. Alam nyo ba, ang totoong kaligayahan ay nagmumula sa pakikikapag-ugnay sa Diyos. Ang mga dukha, na nanalig sa Diyos, ay maligaya, dahil nakita nila ang kanilang kayamanan, sa kanilang pakikipag-ugnay sa Diyos. Kaya, kung ang ating hinahanap ay ang buhay na walang hanggan, seguradong magiging maligaya tayo, dahil si Hesus ang Bukal ng Buhay na walang hanggan. Ano kaya ang pinakamahalagang bagay sa ating buhay, na nais nating itaya, makamtan lamang natin si Hesus? Nawa ang kaharian ng Diyos ang ating maging sukatan, sa pagpili ng ating prayoridad at pinahahalagahan sa buhay.