Umalis sa bahay si Hesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang natipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Hesus: "Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyot ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!"
Sa simula pa, ay alam ng magsasaka, na ang mga butil na kanyang ihahasik ay hindi lahat magbubunga. Nguni’t nagpatuloy pa rin siya sa paghahasik nito. Sa ating talinhaga, ang Diyos, ang manghahasik. Ang butil ay ang Salita ng Diyos na patuloy na inihahasik sa ating mga puso, di alintana anuman ang kalagayan nito. Kaya sinabi ni Hesus: “Ang mga may tainga, ay makinig.” Patuloy na nangungusap sa atin ang Diyos, sa gitna ng ating pagiging abala sa mga ibang bagay, sa kabila ng di natin pakikinig at pagtalima sa Kanyang tinig. Ang iba’t-ibang klase ng lupa, ay maaring matagpuan din sa ating mga puso, tulad ng lupa sa tabing daan, ang matinik at mabatong lupa. Ang butil ay sinisiil at hindi makalago, sa tuwing tayo ay natutukso na magpa-alipin sa kapangyarihan, sa kayamanan at sa ating kapabayaan na manaig ang pwersa ng kasamaan. Sa tuwing nagpapadaig tayo sa tukso, ay hinahadlangan natin ang pagtubo at paglago ng Salita ng Diyos na inihahasik sa ating mga puso. Nguni’t ang magandang balita, ay patuloy na inihahasik ng Diyos ang mga butil na ito, sa ating mga puso. Sa tulong ng Espiritu Santo, ay lumalago ang butil sa mabuting lupa, at namumunga ito, ng tig-iisang daan, tig-aanimnapu, tig-tatatlumpu. Ano kayang klase ng lupa ang nasa aking puso, sa ngayon? Sr. Div