May nagdala kay Hesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Hesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
Narinig mo na ba ang salitang “catharsis”? Proseso ito ng pagpapalaya, paglilinis, paglalabas ng galit, stress, takot, o trauma sa ating puso. Tawagin natin itong heart catharsis. Ito ang paghuhugas ng dumi ng puso, ang pagpapalaya ng anumang humahadlang o bumabara sa maayos na daloy ng pakikipag-ugnayan natin sa Diyos at sa ating kapwa. Kaya’t buong pagmamahal na pinagaling ni Jesus ang pipi. Nakalaya ang kanyang puso sa tulong ng awa at pagmamahal ni Jesus. Nakalag ang kanyang dila at masayang nakapagsalita. Salungat sa kalooban ng mga Pariseo, na nababalutan ng agiw ang kanilang puso. Dinudumihan ng bahid ng malisya ang katotohanan. Si Jesus, demonyo? Saang balon nila sinalok ang kaisipang ito? May masamang sintomas sa kanilang kalooban, kailangang i-catharsis ang mga tinatago nilang takot at galit sa puso. Mas mabuti pa sana na hindi sila nagsalita, sa pagbigkas naman pala wala kang masasalang tama. Ganyan sa social media, kay daming posts na puno ng malisya. Hindi naman yun ang intensyon, pero ginagawan ng ibang kahulugan. Noon at ngayon, hindi nagbabago ang panawagan ni Jesus na maging manggagawa ng Kanyang ubasan. Ano nga ba ang mga ubasan ngayon? Isa dito ang larangan ng komunikasyon, lalo na ang pangmalawakang komunikasyon sa pamamagitan ng websites at mga apps. Tayo naman ang panibagong manggagawa. Tayo ang mga active users to create and share contents. Yun bang, hindi lang basta may ginagawa kundi tiyak na gumagawa nang may kapayapaan at katotohanan. Mga social media users na grounded sa kanilang emotions, at rooted sa pagpapanibago ng sarili, na nagbubunga ng inspiring posts. Sabi nga ni Pope Francis sa mga Paolinong pari at brothers, bilang pagtatapos ng kanilang Eleventh General Chapter: “Transform to transform the world”. Hindi nalalayo ang panawagan ng ating Panginoon sa mga young ones, tungkol sa kanilang pinopost na “story”. Hindi lang entertaining but life-changing stories. Mga kabataang babad kung ano ang nagaganap sa kanilang kalooban at nag-sishare ng down to earth experiences at lessons in life. By the way, pinupuri ko rin ang mga ka-message ko, expressing their desire na italaga ang sarili, tulad ng pagpapari at pagmamadre, sa pagpapalaganap ng good news sa social media. Ikaw, kapanalig, gaano katindi sa iyo ngayon ang panawagan ni Jesus Maestro? Sa mga victims ng trolling, cyberbullying, cancelling, identity theft, violence and crime sa digital at social media, carry pa ba ito ng puso mo? Be courageous! Tuluyang mag-heart catharsis. Alam kong marami sa inyo ang nagdidiscern. Gusto mo n’yo na ba ngayong tumugon? Sr Gemma