Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo sana na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!”
Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, ang aral ng Panginoon tungkol sa panalangin at kung paano magdasal. Nariyan ang panalangin ng pagbibigay-puri sa kabanalan ng Diyos at ang paghingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Gayundin ang paghingi ng mga pangangailangan natin sa pang-araw-araw at ang pagsumamo sa kapangyarihan ng Diyos na malayo tayo sa anumang tukso o kapahamakan. Tunay na dakila, mapagmahal, mapagpatawad, at mapagbigay ang Diyos natin. Buhay Siya at personal, tulad ng ating mga ama na tumatayo bilang “haligi” ng ating mga pamilya. Ito ang imahe ng Diyos na pinaniniwalaan at sinasaligan ni Jesus. Ito rin ang imahe na nais Niyang ituro at ipakita sa atin na kanyang mga alagad. Kapansin-pansin ang unang mga linya ng panalangin ni Jesus. Sinasabi niya “Ama namin” hindi “Ama ko.” Marahil nais ipakita ng ating Panginoon na ang tunay na batayan ng ating pananampalataya, ay makikita sa ating pagmamahal sa ating kapwa, na katulad natin, ay anak din ng Diyos. Sabi nga ng isang pilosopo, hindi nababago ng kahit anupamang taimtim na dasal ang Diyos. Ang tunay na dasal, natatamasa lamang kapag may pagbabago sa taong nagdarasal, kapag ang nagdarasal, ay nagiging mas mapagmahal. Mga kapatid, bawat isa sa atin, ay may tungkuling ginagampanan sa gawaing pagliligtas ng ating Panginoong Jesukristo. Ang kaligtasan ni Kristo Jesus, ay hindi kailanman makakamit nang mag-isa. Nagaganap at mas nagiging “ganap” ito sa pamamagitan ng pakikiisa natin sa Inang Simbahan, sa kanyang buhay sakramental o liturhikal, sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga mahihirap at inaaapi, at sa ating personal na buhay pananampalataya. Tunay na umaapaw ang pag-ibig ng Diyos Ama sa atin na Kanyang mga anak. Ano ang tugon natin sa dakilang pag-ibig na ito? - Rev. Fr. Januarius Ma. Paglinawan, MMHC | Marian Missionaries of the Holy Cross
Panginoon, panibaguhin Mo ang aking ugaling makasarili. Turuan Mo akong magpatawad, katulad ng pagpapatawad ng Ama sa Langit. Amen.