Ito ang nangyari sa ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Gobernador noon ng Judea si Poncio Pilato at mga tetrarka si Herodes sa Galilea, si Felipe na kapatid nito sa Iturea at Traconitide, at si Lisanias sa Abilene; sina Anas at Caifas naman ang mga Punong-pari nang panahong iyon. At noon dumating kay Juan na anak ni Zacarias ang salita ng Diyos sa disyerto. Ipinahayag ni Juan ang binyag na may pagbabalik-loob sa kapatawaran ng mga kasalanan, at nilibot niya ang buong rehiyon sa tabi ng Jordan. Nasusulat nga sa aklat ng pahayag ni Propeta Isaias: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas. Patataasin ang bawat lambak at pabababain ang bawat bundok at burol. Papatagin ang mga batong kinatitisuran at papantayin ang lupang lubak-lubak. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.”
Papalapit na ang Pasko, kaya naman nagsimula ng maghanda ang mga tao para sa pinakamasayang pagdiriwang ng taon. Hindi mapipigilan ang galak, ang excitement ng mga tao na maski hindi naging matiwasay ang taon dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 Pandemic, maghahanda pa rin ng mga dekorasyon sa bahay, mga regalong pamasko, mga pang-Noche Buena at Media Noche, mga plano para sa company year-end thanksgiving – mapavirtual man o face to face celebration. Mga kapanalig, kumusta naman kaya ang ating espirituwal o pangkaloobang paghahanda? Sa ating Mabuting Balita matutunghayan ang mga kaganapan sa unang Adbiyento. Sino nga ba ang huwaran ng ating paghahanda sa pagsilang ng Mesiyas? Walang iba kundi si Juan Bautista, ang pinsan ng ating Panginoong Hesus, na nangaral ng pagpapatawad at pagliligtas ng Diyos na makakamit kung magkakaroon ng radikal na pagbabagong-loob. Nasaan si Juan Bautista? Sa disyerto, o sa ilang niya nahanap ang Diyos! Hindi maranasan ni Juan sa mga lider noon ang paghahari at presensya ng Diyos kaya pumunta siya sa disyerto. Dahil sa karaniwang tigang at tuyo na klima o madalang na pag-ulan, mabuhangin, at mabato, halos walang nakatira sa disyerto; bagamat mayroon ring malamig na disyerto na natatakpan ng niyebe. Sa Bibliya, ang disyerto ay maaaring kumatawan sa lugar kung saan nagpapakilala ang Diyos, katulad ng kanyang paghahayag sa kasaysayan ng Israel. Sa unang banda, sa disyerto, maaaring mas makilala ang Diyos at ang sarili; si Hesus ay tinukso ng diyablo sa disyerto, pagkatapos ng kanyang pag-aayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Sa kabilang banda, kinakatawan din ng disyerto, ang pagkatuyo, ang pagsubok na espirituwal at kahirapan. Mga kapanalig, maaaring itong COVID-19 Pandemic ay isang “desert experience” para sa atin, upang mas makilala natin ang Diyos at ang sarili at kung ano nga ba ang mga tunay at higit na mahalaga sa buhay. Ito ang tunay na paghahanda: pasukin ang disyerto ng ating puso o kalooban, patirin ang uhaw at gutom, sa pamamagitan ng pagyakap natin sa kaligtasan.