Pumunta si Hesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Hesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nila na nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan, at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sa daan.” Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” “Ilan bang tinapay meron kayo?” “Pito at kaunting maliliit na isda.” Pinaupo ni Hesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at inibigay sa kayang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso - pitong punong bayong.
Mga kapanalig, nagdudulot ng pag-asa sa marami sa atin ang Mabuting Balita ngayon. Inaaliw tayo nito na meron tayong Diyos na mahabagin na nakababatid ng ating pangangailangan – pisikal man o espiritwal, bago pa natin ito hingin sa Kanya sa panalangin. Kaya sa mga nawalan ng mahal sa buhay at patuloy na nagdadalamhati; sa mga nawalan ng trabaho at nahihirapang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya; sa mga health workers at iba pang frontliners na patuloy na nagtataya ng buhay upang magbigay buhay; at sa ating lahat na nakararanas ng depresyon, takot, pangamba at kawalan ng pag-asa – humugot tayo ng lakas sa katiyakang meron tayong Diyos na nakakaalam ng ating pinagdadaanan at hinding-hindi Niya tayo pinababayaan. Ang Panginoong Hesus ang mukha ng habag at awa ng Diyos Ama sa atin. Ang himala ng pagpaparami ng tinapay at isda sa Mabuting Balitang narinig natin ay hindi udyok ng reklamo ng mga tao dahil sa gutom, o ng pamimilit ng mga disipulo na pauwiin sila para makabili ng sariling makakain. Sa halip, bunga ito ng kusang pagtugon ng Panginoong Hesukristo, na nakadarama ng hirap na kanilang pinagdadaanan. Aniya, “nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayon na kasama ko sila at wala nang makain. Ayaw ko silang paalising gutom; baka mahilo sila sa daan.” Mga kapanalig, ganyan makisangkot sa buhay natin ang Panginoon. Ramdam niya at nakikita ang mga pinagdadaanan nating paghihirap sa ngayon. Hindi siya bulag o natutulog, o nanonood lamang sa ating paghihirap... Siya’y konkretong kumikilos sa pamamagitan ng mga taong may mabubuting kalooban na patuloy na tumutulong, nagmamalasakit, at kumakalinga sa mga taong labis na nahihirapan, sa abot ng kanilang makakaya. Sila ang mga frontliners na patuloy na nagtataya ng buhay upang makapagbigay ng buhay sa iba; sila ang mga OFWs na patuloy na nakikipag-sapalaran sa ibang bansa upang maitaguyod ang pangangailangan ng pamilya. Sila ang mga pari at madre, mga educators, mga pinuno ng bayan na tunay na servant leaders... Sila ay ikaw at ako na araw-araw inaanyayahan ng Panginoong Hesus na maging kanyang kamay at paa, maging kanyang mata at tainga, maging kanyang puso na makadarama ng paghihirap ng ating kapwa. Ngayong panahon ng Adbiyento, handa ka bang tumugon sa paanyaya ng Panginoon na maging daluyan ng kanyang biyaya at pagpapala lalot higit sa mga nangangailangan?