Mabuting Balita l Enero 1, 2024 – Lunes l Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyo's
Pandaidigang Araw ng Panalangin
Ebanghelyo: Lucas 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Bethlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa
sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila. Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita
nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Hesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Mga kapanalig, sa Araw ng Pasko, nakatuon ang ating pagdiriwang kay Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa araw na ito, si Maria naman bilang Ina ng Diyos, ang sentro ng ating pagdiriwang. Kung tinuturing natin si Hesus bilang Anak ng
Diyos, marapat lamang na ituring din natin si Maria/ bilang Ina ng Diyos. Hindi nagmumula kay Maria ang pagka-Diyos ni Hesus. Diyos na si Hesus, bago pa man likhain ang sanlibutan. At nang ipinadala Siya ng Diyos Ama sa daigdig, nabuo ang Kanyang pagiging tao/ sa sinapupunan ni Maria. Si Maria ay hindi lamang Ina ni Hesus at Ina ng Diyos; siya rin ay Ina nating lahat/ dahil tayo’y mga miyembro ng buhay na Katawan ni Kristo, ang Santa Iglesya. Bukod pa rito, habang nakabayubay at naghihingalo
si Hesus sa krus, ibinigay Niya sa atin ang kanyang Inang si Maria, na maging ating ina, sa pamamagitan ni Apostol San Juan.
Sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia, ipinaunawa niya sa atin na mismong ang Diyos Ama, ang nagkaloob sa atin ng Espiritu Santo, upang makatawag tayo sa Kanya ng “Abba!
Ama!” Ang Espiritu Santo din, ang nagbibigay sa atin ng kapangyarihang/ tumawag kay Maria bilang Ina. Hindi natin maipagkakaila, na may mga taong kumukwestyon sa taguri natin kay Maria/ bilang ina ng Diyos. Anila, walang sinuman ang maaaring m ag-angkin na pinanggalingan ng Diyos, dahil Siya ay Alpha at Omega, na ibig sabihin, walang simula at walang katapusan. Pero, nang mag desisyon ang Diyos na magkatawang tao, pinili Niya ang isang babae na maging Ina, sa katauhan ng ating mahal na Inang si Maria. Ito ang narinig natin sa Ikalawang pagbasa ngayon, mula sa sulat sa mga taga Galacia chapter 4:4: “Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang Siya ng isang babae at namuhay sa
ilalim ng Kautusan.” Dahil nananalig tayong mga Katoliko Kristyano na si Hesus ay Diyos, at si Maria ang Kanyang
ina, marapat lamang na tawagin natin siyang Ina ng Diyos. Iyan ang dahilan ng Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon, at ito ang sentro ng misteryo/ na ipinagdiriwang natin ngayong kapaskuhan. Mga kapanalig, sa unang araw ng Bagong Taon,
kay gandang paalala sa atin na mayroon tayong Ina na gumagabay sa atin. Si Maria/ ang patuloy na magdadala sa atin sa kanyang anak na si Hesus; at si Maria ang magbubuklod sa atin bilang mga magkakapatid, sa iisang nagmamahal na Ama.
Manalangin tayo: Panginoon, kilalanin nawa ng sanlibutan si
Maria, bilang Ina/ na maglalapit sa amin Sa’yo at sa isa’t isa, tungo sa tunay na diwa ng kapayapaan, pagkakaisa at pagtutulungan. Amen.