Mabuting Balita l Disyembre 21, 2023 – Huwebes l Huling Linggo ng Adbiyento
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elisabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elisabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pingapala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako't naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Ang pasko ay panahon ng pakikipagtagpo. Pakikipagtagpo sa
ating mga kapamilya sa pagdiriwang ng kapaskuhan. Pakikipagtagpo sa mga kaibigan, upang magbigayan ng regalo at makipag kumustahan. At higit sa lahat, pakikipagtagpo ng Diyos at ng tao – ang pinakadiwa ng kapaskuhan. Sa mga pakikipagtagpo na ito, mas lumalalim ang ating pagsasama sa pamamagitan ng kwentuhan at tawanan. Dito din nagkakaroon ng daan, ang pagkakasundo at pagpapatawad. At dito din mas
nauunawaan natin at nadarama, ang misteryo ng Pasko, ang misteryo ng pakikipagtagpo. Mga kapanalig, narinig natin sa ating Mabuting Balita ang pangalawang misteryo ng tuwa, ang pagbisita ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabeth. Nagmamadaling tumungo si Maria kay Elizabeth. At dito,
nakita natin ang pagtatagpo ng dalawang babae, na nakaranas ng misteryo ng Diyos sa kanilang buhay. Ang pagtatagpo ng dalawang babae, na tumugon sa paanyaya mula sa Diyos. At pagtatagpo din ng dalawang babae na kapwa nagdadalang
tao sa kanilang sinapupunan. Marahil sa kabila ng pagtanggap ni Maria at Elizabeth sa paanyaya ng Diyos sa kanilang buhay, may mga aspeto pa din na hindi nila maunawaan. Kaya narito silang dalawa na nakikibahagi sa saya, hapis at misteryo na nagaganap sa kanila. Sa pagtatagpong ito mas nagkakaroon ng kabuluhan ang kanilang kasiyahan, nagkakaroon sila ng karamay sa hirap at
pagkalito. At lumalalim ang kanilang pang-unawa sa misteryo ng Diyos. Nawa mga kapanalig, sa ating pakikipagtagpo ngayong
kapaskuhan, maging pagtatagpo ito, kung saan nakikibahagi tayo sa saya ng bawat isa, at higit sa lahat, mas nauunawaan natin ang misteryo ng ating ipinagdiriwang. At kasama si Maria, halina’t tumungo, kung saan maibabahagi natin ang Diyos sa iba.
-FR. KEIV AIRES DIMATATAC, SSP l Society of St. Paul