Mabuting Balita l Disyembre 20, 2023 – Miyerkules l Huling Linggo ng Adbiyento
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel
sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang
ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; Talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka
ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng
Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel
Nagulumihanan si Maria sa bati ng anghel sa kanya. Paano
nga naman siya magdadalang tao, gayung wala naman siyang relasyon sa isang lalaki? Pero dahil ang puso’t kalooban ni Maria ay bukas sa grasya ng Panginoong Diyos, buong kababaang loob niyang tinanggap ang paliwanag ng anghel, kung paano mangyayari ang mga bagay na ipinahiwatig nito. Mga kapanalig, si Maria ay pinagkalooban ng Panginoong Diyos ng pinakadakilang misyon sa buong sanlibutan. At ito ay ang maging Ina ng Manunubos. Isang natatangi at maluwalhating
bokasyon. Hindi ninais ni Maria na maging ina ng Mesiyas. Ni hindi sumagi sa kanyang isipan ang bagay na ito. Sa halip, ang tanging laman ng kanyang puso’t isipan, ay ang ipagkaloob ang kanyang sarili sa Panginoon, ang kanyang pagka birhen, at paglingkuran ang Diyos magpakailanman. Kapanalig, lahat tayo’y may misyon at bahaging dapat gampanan sa gawain ng pagtubos ng Diyos. Meron ba tayong kapasidad na pakinggan ang tinig ng Diyos nang buong kababaang loob na katulad ni Maria?
Ano ang misyon na ipinagkaloob sa’yo ng Diyos? Ano sa
palagay mo ang nais ng Diyos na gawin mo sa iyong buhay? Saan ka tinatawag ng Diyos upang siya’y pagsilbihan?
Anuman ang tawag sa’yo ng Diyos, anumang gawain ang
ipinagkatiwala Niya sa’yo na dapat mong gampanan, ito ay isang tungkuling ibinigay lamang sa iyo, at tanging sa iyo lamang. Huwag mag-atubiling tanggapin ito. Ibigay ang iyong sarili nang buong pagtatalaga, sa anumang misyong tinanggap mo sa Diyos, at hayaan Siyang gumawa ng mga dakilang bagay s pamamagitan
mo. Kapanalig, tularan natin ang Inang Maria. Buksan natin ang
ating puso’t isipan sa grasya ng Diyos, at buong kababaang-loob na bigkasin: “maganap nawa sa akin ayon sa iyong salita.”
-SR. PINKY BARRIENTOS, FSP l Daughter’s of St. Paul