Mabuting Balita l Disyembre 1, 2023 – Biyernes l Ika – 34 o Huling Linggo sa Karaniwang panahon
Ebanghelyo: Lucas 21:29-33
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno.
Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking salita.”
“Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang Kanyang salita.” Ang sinabing ito ng Panginoong Hesus ay nagpapatotoo, na ang Kanyang salita ay mananatiling buhay at mabisa sa lahat ng panahon at pagkakataon. Isa itong kasiguruhang ibinibigay ng
Panginoon sa mga taong naniniwala sa Kanyang mga ipinangaral. Ipinapakita nito sa atin na ang tao, sa kabila ng limitasyon ng buhay sa mundong ito ay may patutunguhan. Hindi siya paikut-ikot sa walang kabuluhang proseso. Kung kaya ang Ebanghelyo
ngayon, ay paanyaya sa atin, na maging mapagtimpi upang maituon sa mabuti... ang mga mithiing makabuluhan at makatwiran, na nagbibigay ng tumpak na direksiyon. Wika ng Panginoon, “Hindi lilipas ang aking mga salita.” Nagpapatotoo ito sa atin, na sa Panginoong Hesus lamang natin, tunay na matatagpuan ang tamang daan. Sa Panginoong Hesus lamang,
magkakaroon ng kaganapan ang ating buhay. Sa pagsusumikap nating isabuhay ang Kanyang mga mabubuting halimbawa,
tunay nating matatagpuan ang kabuluhan ng lahat ng bagay. Ayon pa kay San Agustin, “Ang nagbibigay sa Diyos nang buong pagmamahal, ay may pagtitimpi sa sarili.” Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili. Ang salita ng Diyos ba, na araw-araw nating pinakikinggan at pinagninilayan, ay nakakatulong sa atin upang maging mapagtimpi sa paggawa ng kasalanan? Kung tunay tayong nagagabayan at binabago, ng buhay na Salita ng Diyos, makikita ang epekto nito sa ating buhay-pananampalataya at pakikipagkapwa tao. Masasalamin din ito sa paraan ng ating pamumuhay, lalo na sa panahon ng pagsubok. Dahil ang taong tunay na nagsasabuhay ng Salita ng Diyos – hindi madaling mawalan ng pag-asa. Sa halip, patuloy na nakatayo at nakakapit sa Diyos, sa kabila ng mga unos at bagyong dumarating sa buhay.
- Sr. Lines Salazar, fsp l Daughters of St. Paul