Mabuting Balita l Nobyembre 24, 2023 – Biyernes l Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga
nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Hesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng
Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Noong kabataan natin, isa sa mga pinakamahalagang kasanayang
itinuturo sa atin ng ating mga magulang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa sarili at sa kapaligiran. Ika nga, “cleanliness is next to godliness”. Siguradong may mga karanasan tayo na napagsabihan o napagalitan, dahil sa ating minsang kapabayaang maglinis o panatilihing malinis ang ating mga damit, ang ating tahanan, silid-aralan, mga opisina, at iba pa. Bakit? Importante ang kalinisan dahil ipinapakita nito ang ating pagpapahalaga at paggalang para sa ating mga sarili, sa ating kapwa, at sa ating kapaligiran. Sa katunayan, ganyan rin ang nais ipaunawa sa atin ng Panginoon
sa mga tagpo sa Mabuting Balita ngayon. Nagalit si Hesus, dahil
hindi iginalang ang kabanalan ng Templo bilang tahanan ng Diyos at bahay-dalanginan. Dagdag pa rito ang tahasang paglimot sa pananalangin para sa pagnenegosyo. Napakasakit ng kabalintunaang ito: kay daling limutin ang Panginoon sa Kanyang
sariling tahanan! Sa ating pagsusumikap maging banal, minsan, nakakaligtaan natin ang Diyos, dahil masyado nating napagtutuunan ng pansin ang buhay-paglilingkod
na hindi na nakaugat sa isang buháy na pakikipagrelasyon sa Kanya. Hinog sa pilit ang ating kabanalan, kung gayon! Magiging makahulugan ang ating pagmimisyon araw-araw, kung ang ating mga gawain ay bunga ng ating buhay-panalangin. Ika nga ni Hesus, “hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin” (Jn 15:5).
Mga kapanalig, kung tunay na mahal natin si Hesus, huwag
natin hayaang lumipas ang isang araw na hindi tayo nakikipag-usap sa Kanya sa panalangin. Manalangin tayong lagi mula sa ating mga puso na siyang templo ng Espiritu Santo, upang makatagpo natin ang Siyang una’t laging nagmamahal sa
atin. Tanging sa paraang ito lamang tayo magiging mabunga sa ating pagmamahal sa isa’t isa.
Cl. Russel Patolot, SSP l Society of Paul