Mabuting Balita l Setyembre 18, 2023 – Lunes | Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH
Ebanghelyo: Lucas 7: 1-10
Matapos ang pagtuturo ni Hesus sa mga tao, pumasok s’ya sa Capernaum. May isang kapitan na may katulong na naghihingalo
at pinahahalagahan n’ya ito. Pagkarinig n’ya tungkol kay Hesus, nagpapunta s’ya sa kanya ng mga matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Hesus, taimtim nila s’yang
pinakiusapan, “Marapat lamang na pagbigyan mo s’ya. Mahal nga n’ya ang ating bayan at s’ya ang nagpatayo ng aming sinagoga.” Kaya kasama nilang pumunta si Hesus. Nang hindi na s’ya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan
ang kapitan para sabihin, “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa, hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay kaya hindi ko man lamang inakala na nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko, at kung iuuto s ko sa isa, ‘umalis ka’, umaalis s’ya. At sa iba naman, ‘halika’, at pumaparito s’ya. At pag sinabi kong, ‘gawin mo ito’ sa aking katulong, ginawa nga n’ya ito.” Humanga si Hesus pagkarinig n’ya nito. Lumingon s’ya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig.” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
Kapanalig, tiyak ng Kapitang Romano na gagaling ang aliping mahal sa kanya. Kahit hindi siya direktang nakiusap sa ating Hesus Maestro, naganap ang hiling niya. Sabi nga, "Faith is the assurance of things hoped for, the conviction of things not
seen." Nakatitiyak ka na magaganap ang iyong inaasahan, at naniniwala sa mga bagay na hindi mo nakikita. Naalala ko nang pinabaunan ako ng meryenda ni Mother Frances, siya ang Abbess ng St. Clare Monastery. Tumira ako sa kanila nang inimbitahan ako ni Bishop Jose Elmer at ni Fr. Angel Mata para mag-animate
sa mga kabataan ng Diyosesis ng Bayombong. Isa sa mga paborito kong snacks ang ipinabaon ni Mother Frances. Nang huminto ang bus na sinakyan ko, may napatingin sa akin na bata na tila gutom. Habang ako naman, nasulyapan ko siya
mula sa bintana. Nagsisimula nang kumalam ang tiyan ko noon, pero bumaba ako at ibinigay ko pa rin sa kanya ang baon ko.
Sabi ko, “God will provide.” “May ibibigay sa akin ang Diyos.” Hindi ko alam kung ano pero alam ko na may darating na iba. After 30 minutes, may nagmessage sa akin na isang kabataan. Alam nyo kung ano ang message niya? “Thank you po
Sr. Gem, ang dami ko pong natutuhan sa inyo. Na-inspire nyo po ako, grabe”. Yun lang, nabusog na ako. Hanggang ngayon, nakakatanggap ako ng iba pang messages na nagiging ilaw at kasiyahan ng aking puso. Ito ang gantimpala ng isang nananampalataya. Sa pananampalataya sa Panginoon, nakakasulyap tayo ng “beatific vision”. Ito ang moment na bumubukas ang mata ng ating puso habang personal na nangungusap ang Diyos mula sa ating mga challenging experiences. Nakaka-receive tayo ng direct self-communication mula sa Kanya sa moment na nagsurrender tayo. Sa nananampalatayang Kapitang Romano, pinagaling ng ating Hesus Maestro ang kanyang alipin. Sa gitna ng gutom na naranasan ko, binusog ng Panginoon ang aking puso. Sa ganitong experiences, pinapag-alab ng presensya ng ating Panginoon ang ating espiritu. Kaya’t manalangin tayo na patatagin ng ating Diyos Ama ang ating pananampalataya, bawat sandali, may matatanggap tayong mumunting buhay, na Siya lamang ang makapagbibigay.
- Sr. Gemmaria dela Cruz, fsp | Daughters of St. Paul