Mabuting Balita l Setyembre 29, 2023 – Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan nina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael, mga arkanghel
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH
Nakita ni Hesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang
pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at
panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Sinabi pa ni Hesus kay Natanael, “Higit pa riyan ang masasaksihan mo. Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!” Maligayang Kapistahan ng mga Arkanghel! Lubos ang pagmamahal ng Panginoon sa kanyang mga anak, kaya itinalaga Niya ang Kanyang mga anghel upang tayo’y gabayan at ingatan sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Simula nung natuto
akong magbasa ng Bibliya, naging espesyal na sa akin ang Salmo 91. Isang bahagi nito nagsasaad, “Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.” Dahil dito ramdam ko ang pananatili ng Panginoon sa aking buhay, na ako’y Kanyang iingatan, ilalayo sa kapahamakan, at
anumang karahasan. Kaya dalangin ko sa tuwi-tuwina, na may lakas-loob akong harapin ang anumang hamon ng buhay, dahil ang pag-iingat ng Panginoo’y nasa sa akin. Tunay na makapangyarihan ang salita ni Hesus, “Higit pa riyan ang
masasaksihan mo.” Sa pananalig at tiwala sa Kanya, higit pa riyan ang nasasaksihan natin. Kapanalig, bilangin mo kung kaya mo, ang napakaraming pagkakataong iningatan ka ng Panginoon.
Naabot mo ang kinaroroonan mo ngayon, at tinatamasa ang Kanyang mga pagpapala, hindi dahil sa ika’y mabuti at tapat, kundi dahil sa katapatan, awa, dakilang pagmamahal at pag-iingat saiyo ng Panginoon. Higit pa riyan ang iyong masasaksihan. Tuloy ang paglalakbay, magtiwala, tapat ang Panginoon, tayo’y
iniingatan Niya!
- Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul