Mabuting Balita l Setyembre 24, 2023 – Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH
Ebanghelyo: Mateo 20:1-16
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas
ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n’ya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita
niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon
at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng
araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit
tumanggap din sila ng tig-iisang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila sa amin ngayon na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?’ “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Sa Mabuting Balita, isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang may-ari ng ubasan. Sa iba't-ibang oras ng araw, siya'y umupa ng mga manggagawa upang magtrabaho sa kanyang ubasan. Pero, kahit sa iba't-ibang oras sila nagtrabaho, lahat sila’y nakatanggap ng bayad na pantay-pantay ang halaga. Ipinakita ng may-ari ng ubasan ang pagiging mapagmahal at marangal sa kanyang mga manggagawa. Bagamat ang ilan
ay nagtrabaho ng mas mahaba, at iba naman ay mas maikli, tinuring silang lahat na pantay-pantay. Sa talinghagang ito, tinuturo ng Panginoon ang kahalagahan ng pagiging makatarungan at mapagmahal sa ating kapwa. Hindi tayo dapat maging mapanghusga at maging palalo. Sa halip, tinatawag tayo na maglingkod at magmahalan, nang walang pag-iimbot at paghihinala. Katulad ng pag-ibig ng may-ari ng ubasan sa kanyang mga manggagawa, ganoon din ang pag-ibig ng Diyos
sa atin. Walang pinipili ang kanyang pagmamahal. Sa kabila ng ating mga pagkakamali at kahinaan, tinatawag tayong lahat upang maging bahagi ng kanyang kaharian at tanggapin ang kanyang biyaya. Huwag nating limitahan ang ating pagmamahal sa mga taong kawangis natin o mga pamilyar lamang sa atin. Sa halip,
magpakita tayo ng pag-asa, pag-unawa, at kabutihan sa bawat isa. Mga kapanalig, hinihikayat ko kayong isabuhay ang aral ng talinghaga ni Hesus. Maging bukas-palad tayo sa pag-ibig at biyaya ng Diyos, at maging huwaran tayo ng pagmamahal at kabutihan sa ating kapwa.
- Fr. Brian Paul Tayag, ssp | Society of St. Paul