Umalis si Hesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Hesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi'y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Hesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
Mga kapanalig, ang lalaking bingi sa ebanghelyong narinig natin, ay sagisag ng mga taong nakaririnig sa Salita ng Diyos, pero hindi nabubuksan ang mga puso sa mensahe nito. Bingi sila sa daing ng mga nagugutom, nauuhaw, at inaapi. Sa talinhaga ng manghahasik, sila ang mga butong nahulog sa tabi ng daan, pero inagaw ng mga ibon at kinain ang mga iyon. Dumadaan lang sa kanilang tainga ang Salita ng Diyos, pero hindi nila ito inuunawa kaya walang epekto sa kanilang buhay. Hindi rin nila maipahayag sa kanilang kapwa ang pagmamahal ng Diyos, dahil wala sila nito. Ika nga ng kasabihan, “we cannot give what we do not have.” Mga kapanalig, higit sa salita, mas mahalaga sa Diyos kung ano ang ating ginagawa para sa kapakanan ng ating kapwa. Tumutulong ba tayo sa mga nangangailangan at inaapi; nagdadalang habag ba tayo sa mga makasalanan at may karamdaman? Kadalasan, nakatuon tayo sa marami nating pinagkakaabalahan, kaya naisasawalang bahala natin ang mga pangangailangan ng ating kapwa. Pansariling kapakanan lagi ang ating inuuna, kaya bulag at bingi tayo sa maraming taong nangangailangan ng ating tulong. Manalangin tayo. Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong isinawalang-bahala kita sa aking kapwa. Maging sensitibo nawa ako sa pagtugon sa pangangailangan ng iba. Amen.